AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SADYANG pinagpala ang milyong QCitizens sa mga lider ng Quezon City Local Government Unit (QC-LGU) partikular sa kanilang Alkalde, Joy Belmonte at Bise Alkalde, Gian Sotto. Bakit naman?
Bakit? Hindi ba panay ang hakot ng pagkilala ang LGU at ang dalawang lider, hindi lamang sa bansa kung hindi maging sa ibang bansa. Kinilala ang mga pinuno ng lungsod dahil sa kanilang iba’t ibang programa sa lungsod na ang nagbebenepisyo ay ang QCitizens at hindi ang dalawang lider.
At ngayon, heto ang isa sa pinakahuling pagkilala sa lungsod — kinilala ang humanitarian advocacy at dedikasyon ni VM Sotto sa pagtatrabaho bilang public servant sa ibang bansa.
Ang Bise Alkalde ay kabilang sa mga pinarangalan bilang Asia’s Most Outstanding Public Servant at Innovative Vice Mayor of the Year ng Malaysia Business Leaders and Innovators Award (MBLIA).
Kinikilala ng MBLIA ang mga namumukod-tanging indibiduwal na gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa landscape ng negosyo, entrepreneurship, at mga indibidwal na nagpakita ng magandang serbisyo sa kani-kanilang larangan sa Timog Silangang Asya.
Nitong 12 Okubre 2024, si Sotto bilang awardee sa kaganapan sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang naghatid ng inspirational message at ipinakita niya ang mga humanitarian initiatives ng Quezon City sa pagtugon sa mga isyu sa pabahay, pagbibigay ng kalidad at accessible na pangangalagang pangkalusugan.
Ibinahagi rin niya ang tulong pinansiyal ng lokalidad at pagprotekta sa mahihina sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga serbisyong panlipunan sa pamamagitan ng batas.
Si Sotto, nasa kanyang ikatlong termino, ang namumuno sa 22nd QC Council na kinilala rin bilang Asia’s Most Outstanding and Innovative City Legislative Council of the Year.
Sa kanyang dalawang termino bilang bise alkalde, ipinakilala ni Sotto ang mga programang nakatuon sa serbisyo na nakikinabang sa mga nasasakupan lalo sa mahihirap.
Ang kanyang programang Small Income Generating Assistance (SIGA) ay pinuri ng mga benepisaryo na pinili mula sa pinakamahihirap sa lungsod sa anim na distrito.
Si Sotto ay nagsisilbi rin bilang co-chairman ng Quezon City Anti Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC).
Iyan ang QC-LGU, naghahakot ng parangal dahil prayoridad ng kanilang mga epektibong programa ang QCitizens maging ang kapaligiran.
Congratulations Vice Mayor Sotto.
To God be the Glory!