MATAPOS maglabas ng marching order si Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Juanito Victor Remulla sa pulisya ng Central Luzon na buwagin at hulihin ang lahat ng lider at miyembro ng gun for hire kabilang ang mga organized syndicate at private armed groups sa buong rehiyon, agad tumalima ang PRO 3.
Agad nagresulta ang pagtalima ng PRO3 sa pagkakadakip sa apat na hinihinalang miyembro ng organized crime group na nangholdap ng isang convenience store sa Brgy. Consuelo, Floridablanca, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo, 20 Oktubre.
Kinilala ng ang mga suspek na naaresto ng mga tauhan ng Floridablanca MPS na sina Tristan Bestoguey, Tom Nadnaden, Harold Saqueb, at Daniel Dave Egsaen, pawang mga residente sa lungsod ng Baguio at Mountain Province.
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pagnanakaw dakong 10:30 am kamakalawa na ipinabatid sa Floridablanca MPS sa pamamagitan ng tawag mula sa nasabing establisimiyento batay sa monitored security system nito.
Agad nagresponde ang mga awtoridad at naaresto si Bestoguey sa pinangyarihan ng insidente habang nakatakas ang tatlo niyang kasamahan ngunit mabilis na nahuli sa ikinasang hot pursuit operation sa bayan ng Porac, sa nabanggit na lalawigan.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang kalibre .45 handgun, kargado ng limang bala; isang kalibre .38 handgun, may tatlong bala; apat na granada; P90,000 cash; iba’t ibang grocery items; heavy equipment tools; at isang puting Toyota Fortuner na may plakang CCL8293 na ginamit na getaway vehicle.
Sa karagdagang imbestigasyon, natukoy na sangkot rin ang mga suspek sa mga nagdaang insidente ng nakawan sa parehong mga sangay ng convenience store sa Aliaga at San Jose, parehong sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ang kanilang pagkakasangkot sa mga nabanggit na krimen ay nagpapakita ng ‘padron’ ng magkakaugnay na kriminal na mga gawain sa iba’t ibang lugar.
Kaugnay nito, pinuri ni P/BGen. Redrico Maranan, regional director ng PRO3, ang mabilis at tiyak na aksiyon ng mga nagrespondeng pulis ng Floridablanca MPS at ng iba pang yunit na nakibahagi sa operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong indibiduwal na nakatakdang sampahan ng mga kasong pagnanakaw at ilegal na pagmamay-ari ng mga baril at pampasabog. (MICKA BAUTISTA)