NAARESTO ang lider ng tinaguriang Pablo robbery gang na responsable sa serye ng holdapan sa Quezon City makaraang mahulog sa motorsiklo matapos ang tangkang takasan ang police checkpoint ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat ni Anonas Police Station (PS-9) Station Commander, P/Lt. Col. Zachary M. Capellan kay QCPD Director, P Col. Melecio Buslig Jr., kinilala ang nadakip na si John Dominic Pablo, 36 anyos, residente sa Brgy. UP Campus, Quezon City.
Ayon kay Capellan, dakong 2:17 am nitong Lunes, 21 Oktubre 2024 sa kanto ng Batino St., at Aurora Blvd., Brgy. Duyan-Duyan, Quezon City, paparating ang isang motorsiklo sa checkpoint na kanilang pinatatabi.
Ngunit imbes magmenor bilang hudyat ng pagtalima sa pulisya lalong pinaharurot ng driver ng motorsiklo kaya nahulog ang angkas nitong si Pablo. Hindi na binalikan ng driver ang kanyang angkas saka mabilis na tumakas.
Nang kapkapan ng mga operatiba si Pablo, nakuhaan ng isang kalibre .38 revolver na kargado ng dalawang bala. Walang maipakitang dokumento ng baril ang suspek.
Sa imbestigasyon, nabatid ng pulisya na ang suspek ay ang lider ng Pablo Criminal Gang na sangkot sa serye ng holdapan sa lungsod.
Tinutugis na ang nakatakas na kasama ni Pablo.
“Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng ating walang tigil na pagsusumikap upang labanan ang kriminalidad sa lungsod. Patuloy naming paiigtingin ang pagpapatrolya at pagtalaga ng checkpoints upang masiguro ang seguridad sa buong Quezon City,” saad ni Buslig, Jr. (ALMAR DANGUILAN)