ISANG house-to-house visitation operation ang isinagawa ng mga tauhan ng pulisya sa Bulacan o Oplan Katok nitong Sabado, 19 Oktubre, sa bayan ng Paombong, lalawigan ng Bulacan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu ng mga hindi lisensiyadong baril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, ang inilatag na operasyon ay alinsunod sa Joint RCSU3-PRO3 Action Plan para sa kompiskasyon ng mga hindi lisensiyadong baril sa Rehiyon 3.
Sa matagumpay na pag-aksiyon ng mga tauhan ng Paombong MPS, boluntaryong isinuko ang dalawang hindi rehistradong baril ng isang 44-anyos lalaking negosyante at residente sa Purok 4, Brgy. San Jose, sa nabanggit na bayan.
Itinatampok ng matagumpay na operasyong ito ang hindi natitinag na dedikasyon ng pulisya ng Bulacan upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa pamamagitan ng Revitalized Oplan Katok.
Dahil dito, nahihikayat ang boluntaryong pagsunod sa mga regulasyon sa pagkontrol ng baril sa ilalim ng pamumuno ni P/BGen. Redrico Maranan, regional Director ng PRO 3, sa pagpapatupad ng RA 10591 at pangangalaga sa publiko sa pamamagitan ng pagtugon laban sa mga ilegal na aktibidad gamit ang baril sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)