“PUPUWEDE naman palang hindi mangutang para makapagpatayo ng isang gusalli ng mataas na paaralan. Pupuwede palang lumapit lang sa isang kaibigan at manghingi, isang kaibigan na nagmamalasakit ‘di lang sa kanyang distrito kundi sa buong Maynila.”
Ito ang pahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna matapos niyang ianunsiyo na ang Universidad de Manila (UdM) na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod sa pamumuno ni President Dr. Felma Carlos-Tria, ay maaari nang tumanggap ng mas marami pang mag-aaral mula sa mga taga-Tondo, na gustong makakuha ng libreng college education na may buwanang allowance sa mga susunod na taon.
Ang pag-anunsiyo ni Lacuna ay kasabay ng ginanap na matagumpay na groundbreaking ng bagong, 10-storey annex building ng UdM, na itatayo sa Vitas, Tondo. Malaking bagay para sa mga kabataan na nagnanais makatapos ng pag-aaral.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan nina Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, Congressman Rolan “CRV” Valeriano kasama ang kanyang anak na si Christine at Dr. Tria. Naroon din ang mga konsehal na sina Dr. J Buenaventura, Macky Lacson, Uno Lim, Rod Lacsamana, Roma Robles, at David Chua.
Ayon kina Lacuna at Servo, ipinakita ni Valeriano ang tunay nitong pagmamalasakit sa lungsod sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa gusali ng UdM annex na kauna-unahan sa first district, kahit ito ay kasalukuyang congressman sa second district ng Maynila.
“Pupuwede rin pala. Kaya ako, di ako nahihiyang manghingi o lumapit sa mga taong alam kong makatutulong sa ating lungsod. Di ko na pinabibigat pa ang obligasyon ng ating lungsod dahil alam ko meron pang ibang mapupuntahan ang mga pondong nasisinop natin, napupunta sa allowance ng mga mag-aaral pero ang gusali, puwedeng-puwede naman palang ipanghingi. Maraming-maraming salamat, Congressman Valeriano,” pahayag ng alkalde.
Binanggit ni Lacuna na base sa datos na ibinigay ni Tria, karamihan aniya ng mga mag-aaral sa UdM ay mga residente ng Tondo.
Aniya, “Sa bagong annex building ay mas maraming kabataan sa Tondo ang magbebenepisyo sa pamamagitan ng kalidad na free college education at mayroon pang monthly allowance na ibinibigay ng lokal na pamahalaan.
Kaugnay nito, lubos ang pasasalamat ni Valeriano kay Speaker Martin Romualdez na tumulong upang makalikom ng pondo para sa proyekto na hiniling ng Lady Mayor.
Sdhikain ni Lacuna na makapagbigay ng karagdagang libreng college education hindi lamang sa mga batang Tondo kundi para sa mga kabataan sa lungsod.
Idinagdag ni Lacuna na dumudugo ang kanyang puso para sa mga kabataan na hindi nakakasama tuwing cut off, dahil may limit lanang ang mga mag-aaral na puwedeng tanggapin sa UdM, dahil na rin sa bilang ng kapasidad nito.
“Ito ay isang pakiusap at utos ng isang kaibigan at isang mayora. Kapwa kami produkto ng isang public school, pangarap ng mga batang Tondo na makapag-kolehiyo. Ang sabi niya (Lacuna), sana makapagpatayo tayo ng gusali pero sana walang utang,” mapagkumbabang pahayag ni Valeriano.
“Hindi po imposible dahil madaling nagawan ng paraan sa pakikipagtulungan sa Speaker of the House Martin Romualdez, ako po ay nakakuha ng pondo. Maraming salamat kay Speaker Romualdez at gayondin kina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, dahil ipinagkatiwala ninyo ang lupang ito, kaya matutupad hindi lang ang pangarap ko at nina Mayor Honey at Vice Mayor Yul, kundi maging ang pangarap ng mga taga-Tondo na makatapos ng kolehiyo,” pahayag ni Valeriano.
Nabatid na ang nasabing gusali ay tila magiging legacy ni Valeriano alay sa mga batang taga-Tondo. Bilang pagtugon sa programa at pagkalinga ni Lacuna para sa mga Manileño.
“Iba talaga si mayora. Di magaling sa salita pero maraming ginagawa…iba pa ‘yung magaling lang magsalita, maraming ‘wento walang ‘wenta. Sa pamamagitan ng annex na ito ay marami pang kabataan ang makapagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo nang libre. ‘Wag ho kayong mag-alala, ang laway ko ay naisasanla, hindi ako kakalaban sa inyo kahit kailan,” mariing pahayag ni Valeriano.
Samantala, taos puso rin ang pasasalamat ni Tria kina Lacuna, Servo, at Valeriano sa pagsuporta sa UdM, kasunod ng pag-uulat na ang pamantasan sa kasalukuyan ay mayroong mahigit sa 10,000 student population na para lamang makatanggap pa ng mas maraming estudyante kaysa aktuwal na bilang ay mayroon na rin klase sa gabi at kahit na sa weekends.
Idinagdag niya, ang tagumpay ng UdM ay maihahambing na sa kalidad ng mga pribadong Unibersidad at ito aniya ay dahil sa all out support at tunay na malasakit ng administrasyon ni Lacuna. (BRIAN BILASANO)