AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MASASABING matagal-tagal pa pero puwede rin sabihin: malapit na ang Pasko, este ang midterm election na gaganapin sa Mayo 12, 2025 subalit ito ay pinaghahandaan na.
Pinaghahandaan lalo ng mga kandidato para matiyak ang kanilang pagkapanalo — kani-kaniyang gimik ang mga kandidato, pagpapapogi at ang hindi mawawala ay ang pangwawasak sa kanilang katunggali – dirty tricks.
Iyan ang laro sa politiko ngayon — matiyak lamang na mapunta sa kanila ang posisyon upang magkaroon ng kapangyarihan.
Sa kabilang dako naman, kung pinaghahandahan ng nakararaming kandidato ang lahat ng taktika para matiyak ang pagkapanalo para sasariling interes (hindi naman lahat), taliwas naman ito sa pulisya ng Quezon City – ang Quezon City Police District (QCPD).
Tama kayo riyan, taliwas naman ang sa QCPD na pinamumunuan ni Police Col. Melecio Buslig — kay Buslig sampu ng kanyang mga opisyal at mga tauhan, ang kanilang tinitiyak ay para sa kapakanan at seguridad ng milyong QCitizens.
Kung ang politicians ay inuuna ang para sa sariling interes, ang QCPD ay gagawin ang lahat matiyak lang ang kaligtasan ng bawat mamamayan ng lungsod hindi dahil sa nalalapit na halalan kung hindi para sa araw-araw na pamumuhay ng QCitizens partikular ang kanilang proteksiyon o ang mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng lungsod tulad ng kahilingan ni QC Mayor Joy Belmonte.
E paano ba mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa buong Kyusi? Napapanatili ito sa lungsod nang lalo pang paigtingin ni Buslig ang kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Ito ay sa paraan na paigtingin ang intelligence network at crime prevention sa lungsod, hindi lamang sa pagkakalat ng karagdagang presensiya ng pulis sa mga lasangan kung hindi ang pagbibigay ng magandang serbisyo sa mamamayan lalo ang mabilisang pagresponde sa sumbong ng bawat mamamayan at/o komunidad.
Tiniyak ni Buslig ang lahat nang dagdagan niya ang paged-deploy ng mga nagpapatrolyang pulis sa lungsod at paglalagay ng mga karagdagang checkpoints lalo ang mga strategic area na pinaniniwalaang paboritong ‘istambayan’ ng mga kriminal, adik, tulak at iba pang naghahasik ng kaharasan.
Ipinababatid ni Buslig sa QCitizens na 24/7 ang serbisyo ng pulisya maging ang Helpline 122 ng QC upang tawagan kung kailangan ng tulong kahit anong oras lalo kung may mga hindi kanais-nais na nangyayari sa kanilang lugar para sa kaukulang aksiyon ng QC police.
Ngayon, napapanatili ang seguridad ng QCitizens dahil sa walang humpay na operasyon ng QCPD laban sa kriminalidad kabilang dito ang sunod-sunod na pagdakip sa mga drug pusher, pagdakip sa mga most wanted at iba pa. Sa pagkakaaresto ng mga kriminal ay nasasawata ang mga maaaring mangyayaring karumaldumal na krimen.
E paano ang paghahanda naman sa eleksiyon 2025? Siyempre sa pamamagitan ng mga inilatag at naipatupad nang programa ni Buslig, ito ay magtutuloy-tuloy hanggang halalan.
“Hindi lang naman sa panahon natin pananatilihin ang peace and order sa lungsod at pagbibigay proteksiyon sa QCitizens kung hindi, walang pinipiling okasyon o kaganapan. Ito ay araw-araw, may eleksiyon man o wala. Priority ng QCPD ang seguridad nila,” pahayag ni Buslig.
Tiniyak din ni Buslig na ang deployment ng mga pulis at pagtatakda ng checkpoints ay mananatili hanggang sa araw ng halalan at kahit tapos na ang eleksiyon.
Sa QC, bagamat walang barangay na maituturing na hotspot na may kinalaman sa eleksiyon, ang QCPD ay laging nakahanda, pagtitiyak ni Buslig nang makapanayam natin.
Nanawagan si Buslig sa QCitizens na makiisa o suportahan ang QCPD sa kampanya nito laban sa kriminalidad. Sa tulong ng bawat residente nga naman, lalong mapapadaling sugpuin ang kriminalidad at mapanatili ang seguridad ng buong lungsod.