NATUKLASAN ng mga lokal na mangingisda ang halos 2,150 gramo ng crystal methamphetamine (shabu) na nagkakahalaga ng P14.62 milyon sa dalawang magkahiwalay na insidente sa karagatan ng Zambales at Bataan nitong Lunes, 14 Oktubre 14.
Dakong 5:00 pm, nakuha ng walong mangingisda mula sa Barangay Matain sa Subic, Zambales ang dalawang plastic bag na naglalaman ng halos 1,800 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P12.24 milyon.
Ayon sa hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales, namataan ang mga ilegal na droga na lumulutang malapit sa Lubang Island.
Kinalaunan, bandang 7:04 pm, narekober sa isang mangingisda mula sa Barangay Camaya sa Mariveles, Bataan ang isang plastic bag na naglalaman ng mahigit 350 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P2.38 milyon.
Ang mga narekober na ilegal na droga ay isinuko sa tanggapan ng PDEA sa Zambales at Bataan at ililipat sa PDEA National Headquarters para sa karagdagang profile.
Ipinag-utos ng PDEA Central Luzon Regional Director ang magkasanib na imbestigasyon ng mga tanggapan ng PDEA sa Zambales at Bataan upang matukoy ang pinagmulan ng droga at mga posibleng koneksiyon sa pagitan ng mga insidente. (MICKA BAUTISTA)