NADAKIP ng pulisya ang isang magsasaka matapos iturong suspek sa pananaga at pamamaslang sa isang 4-anyos batang lalaki sa Brgy. Pautao, bayan ng Bacuag, lalawigan ng Surigao del Norte, nitong Linggo, 13 Oktubre.
Lumalabas sa imbestigasyon, naglalaro ang biktima na itinago sa pangalang ‘Aldrian’ sa labas ng kanilang bahay noong nakaraang Martes, 8 Oktubre, nang bigla siyang pagtatagain ng 42-anyos suspek gamit ang sundang na may habang 16 pulgada.
Nabatid na nagalit ang suspek na kinilalang si alyas Merlito nang mamatay ang kaniyang isda sa fish pond na kaniyang isinisi sa batang biktima.
Ayon kay P/Col. Nilo Texon, officer-in-charge ng Surigao del Norte PPO, napansin ng ina ng biktima na nawawala ang kaniyang anak kaya sinimulan niyang hanapin ang bata.
Sa tulong ng mga kapitbahay at mga kaanak, natagpuan ang katawan ng paslit sa madamong lugar sa likod ng bahay ng biktima.
Natagpuan ang biktima na mayroong tatlong tama ng taga sa kaniyang ulo at tatlong tama ng taga sa kaniyang kaliwang braso.
Nadakip ang suspek at narekober ang sundang na ginamit sa pagpatay sa bata sa mabundok na bahagi ng Brgy. Pautao sa ikinasang hot-pursuit operation ng mga awtoridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacuag MPS ang sundang na ginamit sa krimen at ang suspek na nakatakdang sampahan ng karampatang kaso sa hukuman. (HNT)