ARESTADO ang isang babaeng pinaniniwalaang drug den maintainer at boss ng mga tulak, pati ang kaniyang apat na tauhan, matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang makeshift drug den sa lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Linggo ng hapon, 13 Oktubre.
Sa ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinilala ang lady operator at pinuno ng grupo na si Dolly Ramos, 43 anyos; at kaniyang mga tauhan na sina Niko Ramos, 27 anyos; Rolando Ramos alyas Tagod, 62 anyos; Dan Ramos, 25 anyos; at Deinniel Canlas, 26 anyos, pawang mga residente sa Brgy. San Jose South, sa nabanggit na lungsod.
Narekober ng mga operatiba ang kabuuang 14 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at buybust money.
Inilagak ang mga nakompiskang ilegal na droga sa PDEA RO III laboratory section para sa forensic examination.
Magkatuwang na isinagawa ang operasyon ng PDEA Nueva Ecija Provincial Office, PDEA Regional Special Enforcement Team, at ng Cabanatuan CPS.
Pansamantalang nakakulong ang mga naarestong suspek sa PDEA Jail Facility habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)