NABUKING ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang mga tableta ng ‘ecstasy’ na tinatayang nagkakahalaga ng P8.314 milyon na nakahalo sa mga kahon ng coffee beans sa Port of Clark, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Sa pahayag ng BoC, 4,891 tableta ng ecstasy o “party drugs” ang nakahalo sa mga butil ng kape.
Sa pagsusuri sa kargamento, nakita ang isang kahon ng espresso capsules at tatlong kahon ng coffee beans.
Napag-alaman na ang mga tabletang ecstasy ay itinago sa mga butil ng kape sa loob ng tatlong kahon, na ipinadala mula sa The Netherlands.
Ayon sa BoC, naharang ang kontrabando sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Inilipat sa PDEA ang mga sample mula sa kargamento para sa chemical analysis, na nagpapatunay na ang mga tablet ay naglalaman ng methylenedioxymethamphetamine (MDMA), na karaniwang kilala bilang ecstasy.
Dagdag ng BoC, ang kargamento ay naharang dahil ‘kahina-hinala’ sa isang x-ray inspection at pagkatapos ay isinailalim sa isang K9 inspection, na nagkompirmang may ilegal na droga.
Naglabas ng ‘warrant of seizure and detention’ laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pahayag ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, muling pinagtitibay ng ahensiya ang pangako kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay laban sa pag-aangkat ng mga ilegal na droga at mga mapanganib na sangkap sa bansa. (MICKA BAUTISTA)