NAARESTO ng mga operatiba ng Olongapo City Police Drug Enforcement Unit (PDEU) ang dalawang hinihinalang bigtime pusher na responsable sa pagbabagsak ng ilegal na droga sa lungsod at lalawigan ng Zambales makaraang makompiskahan ng 10 kilo ng marijuana o damo sa lungsod.
Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director, Police Brig. Gen. Redrico A. Maranan, nadakip ang dalawa sa isinagawang buybust operation nitong 8 Oktubre 2024.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Sapnu at alyas Jojo, kapwa residente sa Olongapo City.
Katuwang ng Olongapo Police sa buybust operation ay ang Police Station 5 SPDEU at Zambales Police Intelligence Unit na isinagawa dakong 4:50 am, 8 Oktubre 2024 sa Clark St., Brgy. Sta. Rita, Olongapo City.
Nakompiska sa dalawa ang sampung bricks ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,500,000 at P1,000 bill marked money.
Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 ang dalawang suspek.
“This successful operation demonstrates our unwavering commitment to eradicating illegal drugs from our communities. We will continue to intensify our efforts to ensure that those involved in the illegal drug trade are held accountable,” pahayag ni Maranan. (MICKA BAUTISTA/ALMAR DANGUILAN)