Tuesday , January 28 2025

Naggagandahang obra ng PDLs, bida sa BIDA ng BJMP

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

BIDANG-BIDA ang mga naggagandahang obra ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa ginanap na pagbubukas sa publiko ng 1st National BIDA  Painting, Handicraft-making and Songwriting Challenge – isang proyekto ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na pinamumunuan ni J/Director Ruel Rivera bilang hepe.

Ang BIDA (Buhay Ingatan Droga’y Ayawan) ay programang itinaguyod ni dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na siyang naging guest of honor/speaker ng kaganapan. 

Sa programa, lumahok ang lahat ng piitan sa buong bansa na nasa ilalim ng BJMP – Region 1 hanggang 13, maging ng Cordillera Autonomous Region (CAR) at Bangsomoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at tatlo pa.

Dalawang lebel ang basehan sa pagpili ng mananalong obra mula sa painting, handicraft making, at songwriting – ito ay sa regional at national level.

Nasaksihan natin ang awarding ceremony at pagbubukas ng exhibit nitong Linggo, 6 Oktubre 2024, na ginanap sa Shangri La Plaza, Mandaluyong City. Talagang kamangha-mangha ang mga obra ng PDLs. Hindi matatawaran ang talento at galing ng mga inilahok na obra lalo sa kategoriya para sa handicraft making at painting.

Lalong kang mapabibilib sa mga trabaho dahil ang mga obra ay gawa sa recycled materials na makikita sa loob ng piitan. Hindi nga kapanipaniwala na gawa ang mga ito sa recycled materials – animo’y mga gawa sa marmol at iba pa pero ito pala sa (karamihan) ay yari sa papel, karton, at iba pa.

Kunsabagay, hindi na bago sa inyong lingkod na malaman na maraming PDLs ang magagaling. Katunayan, noong bata pa ako, madalas namimili ang aking erpat ng mga obra ng PDL sa Cagayan Provincial Jail – pati nga iba’t ibang klase ng saranggola at parol ay dito namimili ang aking erpat noon. Ang presyohan? Quality na ang produkto, habang halos ipamigay na dahil napakamura ng presyo nito.

Ayon kay Rivera, ang programa ay ideya ni Abalos makaraang makita ang mga obra ng PDLs sa San Mateo (Rizal) Jail nang bumisita sa piitan, may anim na buwan na ang nakalilipas.  

At nitong Linggo, lalo pang namangha si Abalos sa mga naggagandahang entries maging ang publiko na namamasyal sa nasabing mall. Ang mga displayed entries nga pala ay “for sale” na ang mga benepisaryo ay ang pamilya ng PDLs – kahit na nasa loob pa rin ng piitan ay nakatutulong ang PDL sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay Rivera, sa pamamagitan ng programa, nailalabas ng PDLs ang kanilang galing at ito ang kanilang pagkakataon na lalo pang hasain upang paglabas nila sa piitan ay maaari nilang gamitin itong hanapbuhay.

Sa kasalukuyan, ang mga winning paintings, handicraft works at iba pang entries at iba’t ibang produkto na gawa ng mga PDL ay naka-exhibit sa ground floor ng Shangri La Plaza.

“Kaya natin ginawa ‘to dahil alam naman natin na ever since bilib talaga tayo sa mga obra. Nakita naman natin ang mga materyales na ginamit e kung ano lang pero makikita mo ‘yung galing at talento, ‘yung epoxy ginawang dragon… ‘yung galing ng kamay,” pahayag ni Abalos matapos parangalan ang mga nanalo.

Sa national painting challenge category ang first place ay ang “Paglaum” ng Cebu City Jail Male Dormitory; ikalawa ay ang “Guhit ng Tagumpay” ng Las Piñas City Jail Male Dormitory; at ang ikatlo ay ang “Oras ng Pagsisisi Tungo sa Pagbabago”.  

Pinasalamatan ni Rivera ang lahat ng PDLs sa kanilang kooperasyon dahil kung hindi sa kanilang ipinamalas na talento hindi maging matagumpay ang proyekto.

Nangako rin ang hepe ng BJMP, na kanyang ipagpapatuloy ang proyekto o gagawin taon-taon lalo’t malaki ang maitutulong nito sa mga PDL gayondin sa kanilang pamilya.

Sa mga nanalong PDLs, saludo kami sa inyong naggagandahan at hindi matatawarang obra.

Congratulations sa BJMP… congratulations Director Rivera sa matagumpay na proyekto.

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Laglag na si Bato, lumalaban pa si Bong Go

SIPATni Mat Vicencio DAPAT tanggapin na ni Senator Bato dela Rosa sa kanyang sarili na …

Firing Line Robert Roque

Sex education

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANG mga usapan tungkol sa inaasal, maikokonsiderang disente, pagkakasakit, …

Firing Line Robert Roque

Peace o power?

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ANO pa man ang itawag, ang “peace rally” na …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Sa 100-araw ni Col. Buslig sa QCPD, krimen patuloy sa pagbaba

AKSYON AGADni Almar Danguilan ENERO 11, 2025, ang unang isandaang araw ni PCol. Melecio M …

Dragon Lady Amor Virata

Pulis na private security ng mga kandidato, ipinasisibak

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MGA kandidato sa 2025 elections na may mga banta …