Wednesday , December 25 2024
Bulacan Tunnel Rings Yard ng Metro Manila Subway lumikha ng trabaho sa mga Bulakenyo

Tunnel Rings Yard ng Metro Manila Subway lumikha ng trabaho sa mga Bulakenyo

NABIGYAN ng matataas na kalidad ng trabaho ang mga Bulakenyo na nasa sektor ng construction at engineering sa pagbubukas ng fabrication yard para sa tunnel ng proyektong Metro Manila Subway Phase 1.

Sa ginawang inspeksiyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa nasabing pasilidad na ngayon ay fully operational na, nabatid sa ulat ng kontratistang Hapon na Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD, na 80% ng 340 manggagawa rito ay pawang mga Bulakenyong engineers at construction skilled workers.

Pinili aniya ang 8.6 ektaryang lupa sa tabi ng Pulilan-Baliwag Diversion Road, dahil may mainam na espasyo para sa mga pangangailangan ng ganitong uri ng big-ticket infrastructure project.

Bukod dito, sinabi ni Engr. Abigail Verzosa, deputy general manager ng Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD, na malapit din sa mga pinagkukuhaan ng matataas na uri ng materyales ang yard tulad ng supply ng bakal na gawa ng Steel Asia na may planta sa Meycauayan at ang Republic Cement na nasa Norzagaray ang gawaan.

Ipinaliwanag ni Bautista na ang tunnel ring yard na ito ay uupahan ng kontratista sa loob ng pitong taon o hanggang sa taong 2030 upang makagawa ng 8,110 tunnel rings para sa Contract Package 103 ng Metro Manila Subway Phase 1 Project.

Partikular na ikakabit ito sa pamamagitan ng tunnel boring machine (TBM), sa gagawing 6-kilometrong tunnel mula sa East Avenue sa Quezon City hanggang sa Ortigas sa Mandaluyong City, na daraanan ang mga estasyon sa Camp Aguinaldo at Anonas.

Kaya upang matiyak na masusuplayan ng nasabing bilang ng mga tunnel rings ang bahaging iyon ng proyekto, ang yard sa Baliwag ay mayroong 18 sets ng hulmahan na kayang gumawa ng 15 tunnel rings araw-araw.

Bumili rin ng 12 mahahabang trucks na magde-deliver ng nasabing mga tunnel rings sa mismong project sites mula sa Baliwag.

May halagang P2 bilyon ang tunnel ring yard na ibinibilang ng pamahalaang lokal bilang isang pamumuhunan.

Ayon kay Gob. Daniel Fernando, patunay ang pagkakapili sa Bulacan, partikular sa lungsod ng Baliwag, na pagtayuan ng nasabing pasilidad na isang estratehikong lugar ang lalawigan na may mga kalipikado at produktibong lakas-paggawa.

Kaugnay nito, isa si Verzosa sa mga lokal na manggagawa na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho rito matapos maging isang overseas Filipino worker. Aniya, hindi na nalalayo ang sahod sa ibang bansa sa pagtatrabaho sa kompanyang Hapon na dito sa Filipinas may operasyon.

Kalakip nito, ang pagkakaroon ng sapat at tamang benepisyo kagaya ng natatamo sa ibang bansa, kasama ang pagiging malapit sa pamilya na nabibigyan ng sapat na oras pagkatapos ang produktibong pagtatrabaho.

Samantala, target ng DOTr na magkaroon ng partial operation ang Metro Manila Subway Phase 1 sa taong 2028 mula sa Malinta sa Valenzuela hanggang sa North Avenue sa Quezon City.

May habang 36 kilometro ang proyektong ito na babaybay mula sa ilalim ng lupa ng Valenzuela hanggang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay.

Pinondohan ito ng P488 bilyon na Official Development Assistance (ODA) ng Japan International Cooperation Agency (JICA). (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Krystall Herbal Oil

Pulikat sa lamig ng panahon pinapayapa ng Krystall Herbal Oil

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong,          Ako po …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …