NASAKOTE ang dalawang indibiduwal na sangkot sa ilegal na pag-iingat ng baril at mga bala sa magkahiwalay na operasyong isinagawa ng pulisya sa mga lungsod ng Meycauayan at Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, hanggang nitong madaling araw ng Sabado, 5 Oktubre.
Dakong 6:50 am nitong Biyernes, 4 Oktubre, nagpatupad ng search warrant ang mga elemento ng Meycauayan CPS sa Brgy. Malhacan, Meycauayan na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 34-anyos residente kung saan narekober ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number at ang tatlong bala.
Kasunod nito, nagsagawa ng buybust operation ang Baliwag CPS dakong 1:30 am kamakalawa sa Brgy. Bagong Nayon, Baliwag na ikinadakip ng isang 26-anyos residente sa Brgy. Poblacion dahil sa pagbebenta ng isang kalibre .38 revolver na may tatlong basyo ng bala.
Ayon kay P/Col. Satur Ediong, Provincial Director ng Bulacan PPO, nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Provincial Prosecutor’s Office sa lungsod ng Malolos.
Dagdag ng opisyal, ang mga matagumpay na operasyong ito ay nagtatampok sa walang patid na dedikasyon ng pulisya sa Bulacan, sa pamumuno ni P/BGen. Redrico Maranan, Regional Director ng PRO 3, sa pagpapatupad ng RA 10591 at pangangalaga sa publiko sa pamamagitan ng pagtugon sa mga ilegal na aktibidad ng baril sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)