MULING napatunayang de-kalidad ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan ng lalawigan ng Bulacan makaraang gawaran ng Department of Health-Central Luzon Center for Health Development (DOH-CLCHD) ng ilang parangal ang probinsiya sa ginanap na Ika-10 Central Luzon Excellence Awards for Health (CLExAH) sa Quest Plus Conference Center, Clark, Pampanga.
Tinanggap nina Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka Celis at Provincial Health Officer I Dr. Edwin Tecson ang Excellence in the Implementation of the 8 Priority Health Outcomes Award, at Outstanding Performance in 2023 LGU Health Scorecard Award para sa lalawigan ng Bulacan.
Samantala, iniuwi ng Chief of Hospital ng Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital na si Dr. David Rawland Domingo ang Inspirational 4-Star Green and Safe Health Facility Award ng pangkalusugang pasilidad.
Ayon sa mensaheng pagtanggap ni Gob. Daniel Fernando na inihatid ni Tecson, patunay ang mga parangal na nakatutugon ang lalawigan sa mga lokal na reporma sa kalusugan at national health targets base sa mga programa ng kagawaran sa kalusugan.
“Sa lalawigan ng Bulacan, numero uno nating prayoridad ang kalusugan ng mga Bulakenyo. Dahil sa kanila at para sa kanila kaya natin isinusulong ang Universal Healthcare Law,” anang gobernador.
Binati ni Fernando ang DOH-CLCHD at tiniyak na patuloy nilang magiging katuwang ang lalawigan sa pagpapanatili ng malusog, ligtas, at masaganang rehiyon at bansa sa mahabang panahon.
Pinasalamatan din ni DOH Region 3 Regional Director Dr. Corazon Flores ang mga lokal na ehekutibo at mga panlalawigan at pambayang health office sa kanilang pagtugon sa pagbabahagi ng dekalidad na paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa rehiyon.
“When we talk about improvement in health system, top most po riyan ang leadership and governance. Kung hindi po maganda ang pamumuno ng local chief executives natin, ng ating provincial health office, ng ating municipal health office, hindi po magiging maganda. Napakaganda na active ang ating provincial health board, nagtutulungan po tayo to ensure that health service delivery is there,” ani Flores.
Kasama sa iba pang tumanggap ng parangal ang lungsod ng San Jose del Monte, at mga bayan ng Hagonoy, Guiguinto, Paombong, at Bulakan para sa Excellence in the Implementation of the 8 Priority Health Outcomes Award; at lungsod ng San Jose del Monte, at mga bayan ng Guiguinto, Angat, at Balagtas para sa Outstanding Performance in 2023 LGU Health Scorecard Award. (MICKA BAUTISTA)