BILANG bahagi ng patuloy na pagsisikap na tugunan ang isyu ng nagkalat na mga hindi lisensiyadong baril, nagsagawa ng house-to-house visitation operation ang pulisya sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 6 Oktubre.
Sa mga ulat na isinumite kay P/Col. Satur Ediong, Provincial Director ng Bulacan PPO, ang operasyon na tinawag na Oplan Katok ay alinsunod sa Joint RCSU3-PRO3 Action Plan para sa pagbabawas ng mga hindi na-renew na baril sa Rehiyon 3.
Sa pagbisita, matagumpay na nakompiska ng mga tauhan ng Paombong MPS ang dalawang hindi rehistradong baril mula sa isang 44-anyos lalaking negosyante at residente sa Purok 4, Brgy. San Jose, Paombong dakong 9:00 am kahapon.
Itinatampok ng matagumpay na operasyong ito ang walang patid na dedikasyon ng pulisya sa Bulacan, sa pamumuno ni P/BGen. Redrico Maranan, Regional Director ng PRO 3, sa pagpapatupad ng RA 10591 at pag-iingat sa publiko sa pamamagitan ng pagtugon sa mga ilegal na aktibidad ng baril sa buong lalawigan. (MICKA BAUTISTA)