PATAY ang hepe ng Cagayan de Oro CPO Station 2 nang barilin ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo sa Brgy. Bulua, sa lungsod ng Cagayan de Oro, nitong Sabado ng gabi, 5 Oktubre.
Kinilala ng PRO-10 PNP (Northern Mindanao) ang biktimang si P/Capt. Abdulcahar Armama.
Mariing kinondena ng ni PRO-10 Regional Director P/BGen. Jaysen de Guzman, ang pamamaslang kay Armama.
Aniya, hindi katanggap-tanggap ang karahasang sinapit ng mga indibduwal na inilalaan ang kanilang buhay sa pagsisilbi at pagpoprotekta sa komunidad.
Dagdag ng Regional Director, tinitiyak niyang gagawin nila ang mga nararapat na aksiyon upang madakip ang mga suspek at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Armama.
Nanawagan si P/BGen. De Guzman sa publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung mayroong impormasyon tungkol sa mga suspek.
Dinala si Armama sa isang pagamutan sa Cagayan de Oro kung saan siya idineklarang wala nang buhay dahil sa tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo.
Narekober ng mga imbestigador ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 baril sa pinangyarihan ng krimen.
Dinala ang labi ni Armama, na kabilang sa Philippine National Police Academy Masidlak Class of 2017, sa kanilang bayan, sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Nanawagan ang pamilya ng biktima kay Cagayan de Oro Mayor Rolando Uy, sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at sa National Bureau of Investigation (NBI) na malalimang imbestigahan ang pagkamatay ng kanilang kaanak.
Ayon sa kaniyang pamilya, si Armama ay mabuting ama, asawa, at anak, at marubdob na lumalaban kontra sa ilegal na droga.
Ipinag-utos ni Uy sa Cagayan de Oro CPO sa pamumuno ni P/Col. Salvador Radam para mapabilis ang paglutas sa kaso ng pamamaslang.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up investigation at hot-pursuit operation ang pulisya laban sa mga suspek.