SA IKALAWANG ARAW ng paghahain ng kandidatura para sa midterm 2025 national and local elections,
pataysa pananambang ang isang lokal na opisyal sa Bulacan at ang kanyang driver nang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na mga salarin sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Ramilito Capistrano, mula sa Brgy. Caingin sa bayan ng San Rafael at kasalukuyang presidente ng League of Barangays sa Bulacan, nakaupong board member sa Sangguniang Panglalawigan, at ang kanyang driver na si Shedrick Suarez.
Sa inisyal na ulat, dakong 6:30 pm, sakay si Capistrano at ang driver na si Suarez ng isang Mitsubishi Montero nang pagbabarilin ng mga armadong salarin sa bahagi ng service road ng Brgy. Ligas sa naturang lungsod.
Kapuwa nasa harapan ng sasakyan ang dalawang biktima nang paulanan ng bala at ang kanilang sasakyan ay bumangga paatras sa isang junk shop.
Dalawang sakay ng SUV, kabilang ang staff ni Capistrano ang nakaligtas.
Napag-alamang dahil sa tindi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ay namatay noon din si Capistrano at ang kanyang driver.
Tinatayang halos 50 basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan ng insidente.
Ang Malolos City Police Station ay kaagad na nagresponde sa pinangyarihan ng krimen matapos makatanggap ng alarma sa pamamagitan ng telepono.
Isang dragnet operation ang kanilang sinimulan sa pakikipag-ugnayan sa Provincial Tactical Operations Center (PTOC) para tugisin ang mga salarin.
Bukod rito, hiniling sa Bulacan Forensic Unit na magsagawa ng masusing teknikal na imbestigasyon sa pinangyarihan ng krimen.
Kaugnay nito, kaagad ipinag-utos si PRO3 Regional Director B/General Redrico Maranan na bumuo ng SITG Capistrano upang makagawa ng malalimang pagsisiyasat sa insidente at matiyak ang posibleng motibo sa krimen. (MICKA BAUTISTA)