APAT na lalaki na kinontratang maglinis ang namatay matapos ma-suffocate sa loob ng fermentation pool sa isang pagawaan ng patis sa Obando, Bulacan kamakalawa.
Bangkay na nang ma-rescue ng mga awtoridad ang apat na biktimang kinilalang sina Rodolfo Valentino, Michael Lumukso, Eduardo Salumag, at Raffy Felix.
Ayon sa ulat mula sa Obando MPS, pinaglinis ng may-ari ng pabrika ang pamangking si Valentino sa loob ng fermentation pool sa Barangay Panghulo sa nabanggit na bayan.
Pero nagulat na lamang ang isa sa mga trabahador nang makita na wala nang malay ang biktima habang nasa ilalim ng fermentation pool kaya humingi ng tulong na agad sinaklolohan ng tatlong lalaki.
Pero hindi na rin nakaakyat ang tatlo pang biktima at kasama nang namatay ng unang biktima na sinasabing na-suffocate matapos makalanghap ng kemikal mula sa loob ng fermentation pool.
Habang isinasagawa ang retrieval operation, gumamit ng breathing apparatus ang mga awtoridad para makababa sa ilalim ng fermentation pool dahil sa masangsang na amoy.
Napag-alamang dalawa sa mga namatay ay mga caretaker ng compound habang ang dalawa naman ay mga construction worker sa katabing gym.
Base sa imbestigasyon, halos apat na taon nang hindi nag-o-operate ang nasabing pagawaan kaya palaisipan ngayon sa pamilya ng mga biktima kung bakit kailangang linisin ang fermentation pool.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung talaga bang non-operational na ang pabrika. (MICKA BAUTISTA)