PATAY ang 43-anyos lalaki habang sugatan ang dalawang tanod matapos pagbabarilin ng kapitbahay na sinita nila dahil sa ingay sa Barangay Sauyo, Quezon City nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang napatay na biktima na si Pelagio Gatan Cabaddu, 43, checker, habang sugatan ang dalawang tanod na sina Ambrosio Paladan Bradecina, 47, at Cornelio Ramos Nuval, Jr., 57, pawang residente sa Barangay Sauyo, Quezon City.
Ang dalawang tanod ay patuloy pang ginagamot sa East Avenue Medical Center at Quezon City General Hospital.
Agad tumakas ang mga suspek na kinilalang sina Ernie Carlin Tambaoan, nasa hustong gulang, at nakatira sa Blk 7 Lot 13 Baluyot, Brgy. Sauyo, at Ricardo Lucas, tubong Dagupan, Pangasinan.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 10:30 pm nitong Martes, 24 Setyembre, nang maganap ang insidente sa Block 9, Lot 14, Baluyot 2A, Brgy. Sauyo, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSgt. Nido Gevero, Jr., nagresponde sina Bradecina, Nuval at tatlo pang kasamahang tanod kabilang ang saksing si Celenia Mandac matapos makatanggap ng reklamo na may nag-iingay Baluyot 2A, Brgy. Sauyo, sa lungsod.
Nang makarating sa lugar ang mga tanod ay galit silang kinompronta ng inireklamong suspek hanggang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nila.
Dito ay kinompronta na rin ng tiyuhin ni Cabaddu na si Angel ang suspek na si Tambaoan pero sinakal siya nito.
Agad sinakloloan ni Cabaddu ang tiyuhin at sinuntok ang suspek ngunit bumunot ng baril ang kasamahan nitong si Lucas at pinuputakan si Cabaddu sa likod.
Pagkatapos ay nagmadaling sumakay si Lucas sa motorsiklong minamaneho ni Tambaoan upang tumakas.
Pero habang tumatakas ay pinaputukan ni Lucas ang dalawang humabol na tanod na sina Nuval at Bradecina.
Agad isinugod sa Bernardino Hospital si Cabaddu pero idineklarang dead on arrival ni Dr. Kim Racho dahil sa tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa likod, habang nagpapagaling pa ang dalawang tanod sa mga nabanggit na ospital na tinamaan sa likod at tagiliran.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente habang tinutugis ang mga nakatakas na suspek. (ALMAR DANGUILAN)