NAARESTO na ng mga operatiba ng Quezon City Polie District (QCPD) ang dalawang hinihinalang gun for hire na bumaril at nakapatay sa isang barangay tanod at sa isang sibilyan na nanita sa ingay ng kanilang videoke sa Barangay Sauyo noong Martes ng gabi.
Dinakip din ang isa pang kasabwat dahil sa pagtulong sa pagtatago ng dalawang pangunahing salarin.
Ayon kay QCPD Director, P/BGen Redrico Maranan, sa ikinasang follow-up operation ng Talipapa Police Station 3, at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nadakip ang mga suspek na sina Ricardo Caspillo Lucas, Jr., 44, residente sa Burgos, Lupao, Nueva Ecija; Ernie Carlin Tambaoan, 40, foreman, kapwa gun runner, at live-in partner na si Jenny Joy Roldan, 31, sa loob ng Barskie Appartel, sa No. 81 Payatas Road, Brgy. Payatas, Quezon City dakong 10:35 pm nitong Miyerkoles.
Positibong kinilala ang mga suspek ng mga saksing tanod at kaanak ng mga nasawing biktima na sina Cornelio Ramos Nuval, Jr., 57, barangay tanod, at Pelagio Gatan Cabaddu, 43, checker, kapwa residente sa Barangay Sauyo na parehong may tama ng bala ng baril sa likuran.
Samantala, patuloy pang inoobsebahan sa East Aveneue Medical Center ang isa pang tanod na si Ambrosio Paladan Bradecina, 47, may tama ng bala sa tagiliran.
Sa report ni P/SSgt. Nido Gevero, nag-ugat ang pamamaril matapos sitahin ng mga tanod ang mga suspek dahil sa ingay ng videoke gayong disoras na ng gabi.
Nauwi sa pagtatalo hanggang paputukan ng mga suspek ang mga tanod at nadamay ang isang sibilyan na si Cabaddu.
Sinabi ni Maranan, batay sa record, si Lucas ay nahaharap sa kasong mga murder, homicide at ilegal na droga sa Cuyapo, Nueva Ecija at Lingayen Pangasinan , kaya tinawag na ‘armed and dangerous’.
Mabuti na lamang, aniya, at agad na nadakip ang mga supek dahil posibleng maghasik pa ng krimen sa papalapit na halalan.
Nakompiska sa mga suspek ang isang Armscor caliber .45 pistol kasama ang dalawang magazine na kargado ng pitong bala; isang Colt MK IV pistol kasama ang dalawang (2) magazine.
Inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga suspek. (ALMAR DANGUILAN)