APAT na mga tigasing tulak at anim na mga pasaway na sugarol ang magkakasunod na naaresto sa operasyong isinagawa ng pulisya sa Bulacan kahapon.
Sa ulat na ipinadala kay Police Colonel Satur Ediong, officer-in-charge ng Bulacan PPO, nagkasa ng magkakahiwalay na anti-illegal drug operations ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS at San Ildefonso MPS.
Ang operasyon ay nagresulta sa pagkaaresto ng apat na tulak na sinasabing walang takot sa lantarang pangangalakal ng iligal na droga sa mga nasasakupang lugar.
Nakumpiska sa mga suspek ang labing-isang transparent plastic na naglalaman ng crystalline substance na pinaniniwalaang shabu at tatlong transparent plastic sachets na naglalaman naman ng tuyong dahon ng marijuana, dalawang coin purse at buy-bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang ang mga naaresto ay nakakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002.
Kasunod nito ay nagsagawa naman ng anti-illegal gambling operation ang SJDM CPS na humantong sa pagkaaresto ng anim na makukulit na sugarol.
Naaktuhan ang mga ito sa pagsusugal ng cara y cruz at nakumpiska sa kanila na gagamiting ebidensiya ang tatlong pirasong coin na ginagamit na pangara at mga perang taya sa iba’t- ibang denominasyon.
Ang mga naarestong indibiduwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kanila-kanilang arresting unit/station para sa nararapat na disposisyon. (MICKA BAUTISTA)