NASUNGKIT ng SM Group of Companies ang limang mga puwesto sa Top 20 Taxpayers na kinilala sa Institutional Partners’ Night ng pamahalaang lungsod ng Baliwag na ginanap kamakailan sa Baliwag Star Arena.
Pinangunahan ni Baliwag City Mayor Ferdinand Estrella ang paggawad ng Plaque of Appreciation sa SM Group of Companies kasama ang iba pang mga korporasyon para sa kanilang makabuluhang papel sa pagpapalakas ng mga operasyon at pag-unlad ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang mga negosyong nagbibigay ng trabaho at pagbabayad ng buwis.
Patuloy ang SM Group of Companies sa pangunguna sa listahan ng mga pinagkukunan ng kita ng Baliwag, pinangunahan ng Mercantile Stores Group Inc. (SM Store) sa unang puwesto; kasunod ang SM Prime Holdings Inc. (SM City Baliwag) sa pangalawa; Super Shopping Market Inc. (SM Hypermarket) sa pangatlo; Star Appliance Inc. (SM Appliance Center) sa pang-anim; at Fast Retailing (Uniqlo) sa pangwalo.
Binigyan din ng pagkilala ang SM City Baliwag at SM Foundation para sa kanilang huwarang suporta sa mga programa ng pamahalaang lungsod ng Baliwag, na nagpapatibay sa kanilang tungkulin bilang matatag na katuwang sa pagkamit ng kahanga-hangang pag-unlad ng lungsod sa mga nakaraang taon. (MICKA BAUTISTA)