INIIMBESTIGAHAN ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang kanilang kapuwa pulis, kung sadyang pinatakas o natakasan ng naarestong wanted sa pagpapanggap na kasambahay pero notoryus na magnanakaw, na nagpabili ng sanitary napkin sa kanya nitong Sabado ng madaling araw habang sila ay nasa ospital.
Batay sa imbestigasyon, dinala ni P/Cpl. Aaron Balbaboco Balajadia, 36 anyos, nakatalaga sa Batasan Police Station (PS-6), bilang Mobile Patroller, si Mary Rose Parenas alyas Josephine Aquino Dueñas, sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, bandang 3:50 am nitong Sabado dahil sa iniindang pananakit ng tiyan at hirap sa paghinga.
Habang nasa ospital, nakiusap si Parenas sa pulis na ibili siya ng sanitary napkin sa kalapit na tindahan ngunit pagbalik ng pulis wala na sa ospital ang suspek.
Sinikap pang hanapin ni Balajadia si Parenas ngunit hindi nakita ang wanted na babae.
Inaresto ng kanyang mga kabaro si Balajadia na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 224 (Evasion through negligence) sa ilalim ng Revised Penal Code.
Kaugnay nito, sa isang social media account na Kasambahay Maid Yaya Job Hiring PH, nagbabala sa kanilang paskil ang mga netizens na nabiktima ng suspek.
Anila, pumapasok na kasambahay, pero nanghihingi ng pasahe mula sa Tarlac o kaya naman ay mag-a-advance ng halagang P3,000 to P5,000, walang dalang damit at kagamitan ngunit may backpack na pang-kindergarten na may lamang malalaking plastic bags.
Nagpapakita ng pekeng NBI at police clearance na ang pangalan ay Josephine Aquino Duenas.
Sa huling ulat, nanatiling at-large ang akusado.
(ALMAR DANGUILAN)