SIPAT
ni Mat Vicencio
SA TATLONG reeleksyonistang senador ng Partido Demokratiko Pilipino o PDP, malamang si Senator Francis “Tol” Tolentino lang ang makalusot sa darating na halalan at tuluyang malaglag ang dating kasamahang sina Sen. Bong Go at Sen. Ronald “Bato” dele Rosa.
Tusong diskarte ang ginawa ni Tol nang iwan ang PDP na pinamumunuan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte at mabilis na tumalon at sumampa sa kampo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Mukhang nasilip ni Tol na wala nang ‘Duterte magic’ kaya unti-unting umiwas at lumayo sa PDP at nitong nakaraang Agosto ay nagdeklara ng kanyang pagbibitiw sa partido at sinabing mananatiling independent na lamang sa Senado.
Lumalabas na alam ni Tol na wala siyang pag-asang muling makapasok sa Senado kung hindi iiwanan ang grupo nina Go at Bato, at mapagdidiskitahan pa ng galit ng kasalukuyang administrasyon kung hindi lalayasan ang partido ni Digong.
Katuwiran ni Tol sa kanyang pagtiwalag bilang opisyal ng PDP ay dahil na rin sa mainit na isyung pinagtatalunan sa West Philippine Sea na taliwas sa posisyong pinaninindigan ni Digong.
Kaya nga, sa pagbubukas ng bagong Kongreso sa susunod na taon, marami ang nagsasabing hindi na kasali sina Go at Bato bilang miyembro ng Senado dahil hindi na palulusutin ng administrasyon ang dalawang alagad ni Digong sa darating na halalan.
Sa kasalukuyan, si Go ay nahaharap sa reklamong plunder sa DOJ tungkol sa P6.6 billion government projects kabilang ang panibagong kasong graft at plunder kaugnay naman sa P16 billion Philippine Navy frigate sa panahon ni Digong.
Kailangan din sagutin ni Go ang akusasyong nag-uugnay sa kanya hinggil sa extrajudicial killing o ‘salvaging’ na naganap noong panunungkulan ni Digong sa patuloy na pagdinig ng ‘Quad Comm’ ng mga kaalyadong kongresista ni Bongbong sa Kamara.
Si Bato naman ay merong napakabigat na kaso hinggil sa ihahaing warrant of arrest ng International Criminal Court o ICC dahil sa sinasabing mismong ang senador ang naging tagapagpatupad ng ‘Oplan Tokhang’ ni Digong.
At habang papalapit ang eleksiyon na nakatakda sa Mayo, inaasahang marami pang mahahalungkat na kontrobersiya ang ‘Quad Comm’ laban kina Go at Bato para tuluyang ‘lumpuhin’ ang dalawang politiko at hindi na muling makabalik sa Senado.