AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
MARAMI ang nagugulohan sa totoong detalye ng pagpapasakamay ni Quiboloy sa pamahalaan.
Iyon nga, naunang sumabog na balita ay naaresto na si Quiboloy nitong Linggo, 8 Setyembre 2024 sa Davao City sa loob ng ‘kaharian’ ng KOJC.
Habang may mga nagsasabing hindi naaresto si Quiboloy – kesyo siya raw ay sumuko sa militar at hindi naaresto ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 11 na pinamumunuan ni Police Brig. Gen. Nicolas Torre III bilang Regional Director.
Dahil sa sinasabing sumuko daw si Quiboloy at hindi naaresto ng PRO 11 o ang sumalakay o kumubkob sa kaharian ng KOJC sa loob dalawang linggo, kinukutya ng maraming netizens ang PRO 11 partikular na si Torre.
Kinukutya nila dahil nga hindi naman daw nadakip sa loob ng KOJC compound at sa halip ay sumuko si Quiboloy at ito ay nangggaling sa labas o nasa labas ng kingdom.
Kung baga, tinitira ang PNP dahil sa mga estilo ng ginawang pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Partikular na tinitira ay si Torre – katunayan, pinaglaruan pa nga ang opisyal sa social media pero sa kabila ng lahat ay hindi nagpapaapekto si Torre.
Nanindigan si Torre sa kanyang operasyon kahit na may ibinaba pang kautusan ang isang Korte sa Davao upang medyo mag-lie low sa operasyon ang grupo ni Torre.
Dahil talagang positibo si Torre sa impormasyon na nasa loob ng KOJC compound si Quiboloy, hindi siya tumigil sampu ng kanyang mga operatiba.
At hayun nga, makalipas din ang dalawang linggo – ang ‘daga’ ay lumabas sa kanyang lungga kaya napasakamay ng gobyerno – nadakip din si Quiboloy.
Pero ewan ko ba, may mga tumitira pa rin sa PNP lalo na kay Torre. Kesyo sumuko si Quiboloy at hindi naman naaresto.
Naaresto o sumuko man – alinman dito ang totoo – ang mahalaga ay makapagpapahinga na ang troop ni Torre.
Nagbunga rin ang kanilang paghihirap – ang kanilang pagpupuyat – ang kanilang determinasyon – ang pagpapatupad ng batas laban sa mga wanted person na tulad ni Quiboloy.
Sinasabing sumuko? Sige ipagpalagay natin na sumuko at hindi inaresto. Pero mayroon iyong sinasabing sumuko dahil nakorner na, kaya inaresto. Hindi ba?
Kung sinasabing sumuko si Quiboloy iyan ay dahil sa ginawang pagbulabog ng tropa ni Torre sa lungga ng lider ng KOJC — maaaring masusukol na kasi kaya… ano? Sumuko na — no choice kung baga.
Sumuko o inaresto, ang mahalaga ay nagbunga ang ipinakitang dedikasyon ng PRO 11 sa pamumuno ni Torre.
Saan ka ba naman makakita na ang heneral ang nangunguna sa operasyon? Ang karamihan sa mga heneral puro utos lang ang alam pero kakaiba si Torre, kapag hindi mo siya kilala… pagkakamalan mong isa lamang ‘pawn’ sa hanay na nagsilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy.
Congratulations PRO 11, congratulations Sir Gen. Nick Torre!