WALO at hindi pitong pelikula ang mapapanood na sa 2025 CinePanalo Film Festival na ipalalabas sa Gateway Cinemas mula March 14 to 25, 2025.
Matapos ang masusing screening sa mga
pelikulang isinumite, walong panalo finalists ang napili na bawat isa ay mabibigyan ng P3-M production grant at may pagkakataong maipalabas sa 2025 CinePanalo Film Festival.
Ang walong napiling pelikula para makasama sa festival ay ang mga pelikulang Co-love ni Jill Singson Urdaneta; Fleeting ni Catsi Catalan; Food Delivery ni Baby Ruth Villarama; Journeyman ni Christian Paolo Lat at Dominic Lat; Olsen’s Day ni JP Habac; Perlas sa Silangan ni TM Malones; Sepak Takraw ni Mes De Guzman; at Tagsibol ni Tara Illenberger.
Ayon sa bumubuo ng CinePanalo napakaraming entries ang natanggap nila ngayong taon. At para mapili na makasama sa walo 16 muna na filmmaker ang napili na dumaan sa face-to-face pitch. At sa 16 pumili ng walo na umangat.
Sa walong napili may pagkakataon na silang makakuha ng award tulad ng Pinakapanalong Mahabang Pelikula (Best Picture); Panalong Direktor (Best Director); Panalong Aktres (Best Actress); Panalong Actor (Best Actor); Panalong Karangalan Mula sa Mga Hurado (Special Jury Prize); Panalo sa mga Manonood; Panalong Pangalawang Aktres (Best Supporting Actress); Panalong Pangalawang Aktor (Best Supporting Actor); Panalong Kwento (Best Screenplay); Panalo sa Cinematography; Panalo sa Production Design; Panalong Awitin; Panalong Ensemble; Panalo sa Musical Scoring; Panalo sa Editing; Panalo sa Sound Design; at Panalo sa Film Poster.
May pagkakataon din silang mIpalabas ang kanilang pelikula abroad. Tatlo sa CinePanalo
entries noong isang taon ang nakasama sa foreign film festivals, ito ay ang Road to Happy sa Jagran Film Festival sa India; One Day League sa Exposures Montreal Trans Film Festival sa Canada); at A Lab Story sa Jagran Film Festival sa India at sa Asian Film Festival Barcelona sa Spain.
Bukod sa walong full length movies, mayroon ding student shorts competition na 25 student filmmakers ang mabibigyan ng grant na nagkakahalaga ng P150,000.00 bawat isa.