ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
TULOY-TULOY sa paggawa ng projects ang award-winning director na si Romm Burlat.
Ang latest niya ay ang pelikulang Manang, isang advocacy movie na tinampukan nina Julio Diaz, Sabrina M, Janice Jurado, at Ms. Tess Tolentino, na siyang producer din ng pelikula.
Nalaman naman namin kay direk Romm na pinaghahandaan na niya ang kasunod nito, titled Pira-Pirasong Pangarap.
Inusisa namin si Direk Romm kung sino-sino ang plano niyang maging bahagi ng casts ng bago niyang pelikulang ito?
Pahayag niya, “Si Gabby Concepcion pa rin ang gusto kong maging lead dito. If he is not available, perhaps Jay Manalo or Raymond Bagatsing for the lead role. Magiging part din ng movie sina Lovely Rivero, Rodjun Cruz, Rayver Cruz, Kelvin Miranda, Julio Diaz, Jhane Santiaguel, at Jethro Ramirez.”
Anyway, matatandaang last year lang ay nanalo si Direk Romm bilang Best Supporting Actor sa prestihiyosong Five Continents International Film Festival sa Venezuela. Ito ay para sa pelikulang Tutop (Covered Candor).
Dahil kaya rito, mapansin na ngayon sa Ani Ng Dangal awards ang prolific director-actor?
Ang Ani Ng Dangal ay mula sa NCCA (National Commission for Culture and the Arts), na taunang nagbibigay pagkilala sa mga artist na nanalo ng award sa international film festivals.
Gaano ba kahalaga sa kanya na ma-recognize ng NCCA?
Esplika ni Direk Romm, “For me it’s an ultimate recognition kasi galing sa NCCA and ito ay supported by Malacanang.”
Ang Tutop ay prodyus at pinagbidahan ni Direk Romm. Ang pelikula ay tinatampukan din nina Ron Macapagal, Faye Tangonan, Angelo Tiongco, at iba pa.
Ito’y mula sa pamamahala ni Direk Marvin Gabas at produced ng ROMMantic Entertainment Productions.
Maliban kay Direk Romm, wagi rin sa Five Continents International Film Festival ang pelikulang Tutop ng Best Thriller Feature Film, Special Mention – Best Screenplay si Direk Marvin Gabas, Best Art Direction para kay Direk Marvin ulit, Best Lightning for Vince Bustos, at Special Mention Sound Design na napanalunan din ni Marvin.
Ayon pa kay Direk Romm, ang Tutop ay istorya ng isang kakaibang tatay na pumapatay ng mga masasamang elemento ng lipunan para ipakain sa cannibalistic niyang anak, para mabuhay ito.
Kuwento niya, “Ito ay isang suspense thriller-drama-horror movie…
“Actually, hindi lang ito horror movie, kundi isang family drama sa isang hindi pangkaraniwang pamilya. Hindi ka lang matatakot sa pelikula, kundi maiiyak ka sa sinapit ng pamilyang ito.”
Dagdag pa ni Direk Romm, “Ako iyong tatay na pumapatay ng mga masasamang tao rito. Ako iyong lead sa movie, si Ron ay second lead, bale alalay ko siya rito. Si Ron iyong sinto-sinto na naka-witness sa crime na ginawa ko. Kapatid siya ni Faye, na gumaganap bilang isang prosti sa pelikulang ito.”
Nagsimulang maging cannibal ang anak niya rito dahil sa isang insidenteng nangyari, na talagang kaabang-abang sa mga manonood.
-30-