Sunday , December 22 2024
Juan Luna Isang Sarsuela

Juan Luna: Isang Sarsuela napapanahong panoorin, depresyon at sakit sa isip tinalakay

HARD TALK
ni Pilar Mateo

WALA kang itulak kabigin.

Lagi na. Tuwing manonood ako ng dula mula sa PSF o Philippine Stagers ni Atty. Vince Tan̈ada, maghahalo-halo ang sari-saring emosyon. Na babagsak sa pagkamangha at pagkagulat. At madalas, pagkagising.

Ang kuwento ng dalawang Juan. Mga Luna. Na ginagampanan nina Atty. Vince at Johnrey Rivas.

Gising dahil sa mga elementong nais na sabihin ng kanyang dula. Na karaniwan siya ang nagsusulat at nagdidirehe.

Ibang kumpas na naman ng isang obra ng dula ang masasabi ko sa napanood ko sa interpretasyon na ibinigay niya sa ating bayaning si Juan Luna. At sa buhay at pag-ibig nito.

Marami sa atin ang sumalalay lang sa ating mga aklat, lalo na sa kasaysayan  sa buhay ng ating mga bayani. Kapag sinabing Juan Luna, ang merito ay nasa kanyang obrang Spolarium na nagkamit ng paghanga at karangalan sa Europa. Maaalala rin ang kanyang kapatid na si Antonio. At manaka-nakang papasok sa istorya ng pagkakaibigan nila nina Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar at marami pa.

Ang kakarampot na alam din ng ilan, may dinarama sa kanyang pag-iisip ang dakilang pintor.

Diyan naisip ni Atty. Vince na ikutan ang istorya. Sa dalawang persona. Ni Juan Luna.

At ang bawat katauhang kasama sa kuwento ay nagampanan ng buong ningning at buong husay ang inihain nila sa mga manonood.

Aktor sa tunay na kahulugan ng salita. Aktor na nananalaytay sa ugat at dugo ang disiplinang minolde sa kanila ng teatro.

Kaya nga, may mga taong hindi nagdalawang-isip na susugan ang pag-ikot nito sa mga paaralan o unibersidad hangga’t maaari ay sa buong kapuluan. At umabot pa sa ibang bansa. Salamat sa mga gaya nina Madam Baby de Jesus at Madam Terry Tambunting.

Laging sariwa sa idea si Atty. Vince. Mapa-entablado o pelikula. At sa pagkakataong ito, ang hindi nagpipinid ng kanyang pintuang sining na sa simula pa ay niyakap na niya ang patuloy niyang babalik-balikan.

Hindi na namin iisa-isahin ang bawat manggaganap sa palabas. Pero espesyal na banggit ang itututring namin sa aktor at mang-aawit na si John Arcenas na gumanap bilang Rizal. Aminado siya na marami pa siyang kakaining bigas para maging isang tunay na mangaganap. Pero sa unang sampa niya, nagpakita na ng kahusayan sa ginawa.

Ang isa pa ay limang taong gulang na bata. Si Mac Avram Ramos. Na sa munting edad ay beterano na pala sa mga palabas sa entablado. Sa isang senakulo siya napanood ni Atty. Vince. At bilang si Luling na anak ni Juan, nabigyan ng hustisya nito ang hiningi ng kanyang papel. At siya ring nagpaiyak sa mga manonood sa kanyang mga eksena.

At lagi na, ang musika ng isang Pipo Cifra ang nagpapagana sa pagpapaunawa sa mga nanonood at nakikinig sa bawat eksena.

At ‘di matatawaran ang PSF pagdating sa mga kasuotan ng mga gumaganap. Sumusugal ng milyones dito si Atty. Vince sa  mga disenyo ng kanyang butihing inang si Emy Tañada na angkop at ayon sa mga katauhan. At sa mga gamit sa entablado, pasalamat ng malaki kay Kris Manubay.

Na pinamamahalaang ganap ni OJ Arci sa pagtulong sa Presidente ng PSF na si John Rey.

Mas lalawak ang ating pang-unawa sa dinaanan ng ating bayani sa kanyang buhay. Lalo at sa panahong ito, hindi pa rin ligtas ang bawat isa sa atin sa problema ng depresyon at sakit sa isip.

Napapanahon ang JUAN LUNA: ISANG SARSUELA. At parating na siya sa inyong mga paaaralan. 

About Pilar Mateo

Check Also

Joel Cruz P25-M 25th anniversay Aficionado 

Joel Cruz mamimigay ng P25-M sa 25th anniversay ng Aficionado 

MATABILni John Fontanilla MAMAMAHAGI ng P25-M ang tinaguriang Lord Of Scents na si Joel Cruz …

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

MMFF50

Sampung pelikula para sa MMFF50, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio ILANG araw bago ang Kapaskuhan, inilabas na ng Movie and …

MMFF 2024 MTRCB

Mga pelikula sa MMFF, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng MTRCB

INILABAS na ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang angkop na klasipikasyon …