RATED R
ni Rommel Gonzales
SA kaparehong tanong namin kay Yasser Marta tungkol sa relasyon nila ng ama niya, medyo na-shock kami sa reaksiyon niya.
“Ako naman po, yung tatay ko,” umpisang lahad ni Yasser, “sa totoo lang, galit ako sa tatay ko eh, kasi siguro noong bata kami parang iniwan niya kami.
“Pero kuwento ko lang din, after almost 15 years, umuwi siya mga three weeks ago rito sa ‘Pinas.
“So halo-halong emosyon, pero happy naman at nagkasama na ulit ‘yung pamilya, pero umalis na siya.
“So, medyo maraming emosyon eh, hindi pa nagsi-sink in sa akin, pero happy at least nagkita na, nakapag-usap na ‘yung pamilya.”
Labinglimang taon silang hindi nagkita ng ama niya, ayon pa rin kay Yasser, 13 years old siya nang iniwan sila ng tatay niya.
“Noong lumipat kami rito sa ‘Pinas, kasi born and raised po ako sa ibang bansa, eh.
“Noong pumunta kami rito hindi na kami ulit nag-usap at nagkita.”
Nawala na ang galit niya sa ama?
“Siyempre masaya noong una ko siyang nakita, pero ang dami ring ano eh, parang ang daming… parang sinabi ko rin sa kanya noong pagdating niya na, after 15 years eto na pala ‘yun, parang hindi pa rin siya po nag-aano sa akin eh, parang hindi pa pumapasok sa loob ko.
“Pero ‘yun, naging… para na rin sa nanay ko, para maging masaya na lang din ‘yung nanay ko, ayun, parang binuo ko na lang po ‘yung samahan namin, ng family.”
Portuguese ang ama ni Yasser na sa Riyadh, Saudi Arabia nagtrabaho. Nagkaroon daw ng problema sa trabaho ang ama niya kaya nito lamang nakauwi.
“Na-bankrupt ‘yung company, hindi na siya naka-support din, ngayon pa lang ulit nakabangon.”
Nang mabayaran ng kompanya ang ama niya, umuwi ito para puntahan at makita si Yasser.
“Sobrang mixed emotions, nakatutuwa pero sobrang happy dahil buo na ulit ang pamilya.”
Malamang daw bumalik sa Pilipinas sa Disyembre ang ama ni Yasser.
Samantala, hindi na kasali si Yasser sa Fatherland dahil sa conflict sa schedule.