SA PANGUNGUNA ni P/Lt. Col. Janette De Vera, OIC ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) 3, na nakatuon sa pananagutan ng mga tauhan, pag-isyu ng mga baril, at pagsunod sa Patakaran ng Tamang Bihis, ininspeksiyon ang mga tauhan ng Police Regional Office 3 (PRO3) upang masegurong maayos ang pananamit ng mga opisyal batay sa itinalagang uniporme.
Layunin ng inspeksiyon na isulong ang disiplina at propesyonalismo sa hanay sa pamamagitan ng pagsuri sa kahandaan at tamang pag-uugali ng mga pulis, kasama ang kondisyon at mga talaan ng kanilang mga inilabas na baril.
Inabisohan ang lahat ng mga pinuno ng yunit upang matiyak na ang kanilang mga tauhan ay sumusunod at ang mga rekord ay maayos para sa inspeksiyon.
Bahagi ang proactive na hakbang ng pagsisikap ng RIAS na itaguyod ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo sa Philippine National Police (PNP) at palakasin ang tiwala ng publiko sa pagpapatupad ng batas.
“Ang inspeksiyon na ito ay nagpapatibay sa pangako ng RIAS at PRO3 na tiyaking hindi lamang mapanatili ang kaayusan sa komunidad kundi itaguyod din ang mga halaga ng disiplina at integridad sa loob ng kanilang sariling hanay,” pahayag ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr. (MICKA BAUTISTA)