MARIING pinabulaanan ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng pahayag tungkol sa insidente ng hold-up, pananaksak, at pagdukot sa mga estudyante sa lungsod ng Malolos, na kumalat sa social media.
Ipinabatid nina Gov. Daniel Fernando at Bulacan PPO Provincial Director P/Col. Satur Ediong sa mga mamamayan ng Bulacan, partikular sa lungsod ng Malolos, na malisyosong balita lamang ang kumalat sa social media na nagsasaad na may mga insidente ng hold-up, pananaksak, at pagdukot, kung saan ang mga biktima ay mga estudyante ng Bulacan State University (BulSU) at ilang mga residente ng Malolos.
Ayon sa dalawang opisyal, mariin nilang pinabubulaanan ang mga balitang ito at ang lahat ng mga nabanggit na insidente ay walang batayan at likha lamang ng mga indibiduwal o grupo na naglalayong magdulot ng takot sa mamamayan, lalo sa mga magulang at estudyante sa lalawigan ng Bulacan.
Base sa masusing imbestigasyon ng Bulacan PPO, wala silang naitala na ganitong mga insidente sa kanilang mga himpilan, pati na rin sa mga barangay na nasasakupan ng nabanggit na lungsod.
Bagaman wala silang naitatala na ganitong mga pangyayari ay patuloy pa rin nilang susuriin at iimbestigahan ang mga sinasabing insidente, gayondin ang mga indibidwal o grupong nasa likod ng pagpapakalat ng mga mapanlinlang at mapanirang impormasyon.
Hinikayat din nila ang lahat na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga kumakalat na balita sa social media.
Anila, mahalaga ang pagiging responsable sa pagkalap ng impormasyon upang maiwasan ang pagkakalat ng maling balita na nagdudulot ng takot at kalitohan sa komunidad.
Dagdag nila, ang probinsiya ng Bulacan partikular ang lungsod ng Malolos ay nananatiling payapa at ligtas. (MICKA BAUTISTA)