NASAGIP ng mga awtoridad ang dalawang pinaniniwalaang biktima ng human trafficking sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) nitong Linggo, 25 Agosto, kasunod ng paghahain ng mga warrant of arrest laban sa founder nitong si Apollo Quiboloy at iba pang mga suspek.
Kinilala sa ulat ng PRO11 PNP ang isa sa mga biktima na si alyas Lorenzo, 20 anyos, sumama sa isang miyembro ng KJC noong 2021 para sa pangakong scholarship sa Cebu.
Ayon sa mga magulang ng biktima, nawalan sila ng direktang komunikasyon sa kanilang anak simula noong 2021.
Ayon sa pulisya ng Davao, humingi ng tulong ang pamilya ng biktima sa ilang mga ahensiya sa Cebu upang matukoy ang totoong sitwasyon ng kanilang anak ngunit wala silang makuhang sagot sa kanilang mga katanungan.
Natuklasan nila ang totoong kalagayan ng kanilang anak nang sabihan nila ang miyembro ng KJC na isusumbong sa pulisya.
Dito nila nalaman na dinala si Lorenzo ng recruiter na miyembro ng KJC sa Davao simula noong Hunyo ng kasalukuyang taon.
Lumalabas sa imbestigasyon na tatlong buwang pinanatili ang binata sa KJC compound ngunit hindi pinayagan ng mga opisyal ng KJC nang magpaalam na uuwi sa kaniyang pamilya.
Samantala, kinilala ang isa pang biktimang nasagip na si Genelyn Bingil, 52 anyos, na pinaniniwalaang na-recruit at na-brainwash ng mga miyembro ng KJC.
Isinumbong ng kaniyang 28-anyos anak na babae ang sitwasyon ni Bingil sa mga awtoridad.