NASABAT ng mga awtoridad ang 29 baboy mula sa Batangas na nagpositibo sa African Swine Fever (ASF) bago tuluyang naibagsak at naikalat sa mga pamilihan.
Sinabi ni Voltaire Basinang, provincial veterinarian ng Bulacan, sa pangangasiwa ng mga tauhan ng Bureau of Animal Industry (BAI) naharang sa checkpoint ang truck na may kargang mga baboy na natuklasan batay sa kanilang pagsusuri ay positibo sa ASF.
Sa ulat mula kay P/Col. Satur Ediong, Officer-In-Charge ng Bulacan PPO, ang mga baboy ay lulan ng isang Fuso Fighter truck, may plakang CAY9089, ay naharang noong Lunes dakong 10:00 pm sa Livestock, Poultry and Meat Product Inspection Site sa Tandang Sora, Quezon City.
Ang operasyon ay pinamunuan ni Jhune Linnit Angelical ng Provincial Veterinary Office ng Bulacan, kasama ang mga tauhan ng Quezon City Police District Station 3, at mga awtoridad mula sa Bulacan.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang driver ng truck na si Salvador Sagum, at ang kanyang helper na si Aaron Borja ay kinuha ang mga baboy sa Batangas na ihahatid sa Novaliches, Quezon City.
Matapos masabat ang truck na may kargang mga baboy na positibo sa ASF ay inaresto ang driver at helper at inilagay sa kustodiya ng BAI.
Bandang 7:10 pm nitong Martes, kasama ang mga tauhan mula sa Bulacan Police 1st Provincial Mobile Force Company ay dinala sa Provincial Engineering Office sa Guiguinto, Bulacan ang truck na lulan ang mga baboy at inilibing dito. (MICKA BAUTISTA)