MA at PA
ni Rommel Placente
ITINULOY pa rin pala ni Mon Confiado ang pagsampa ng cyber libel case laban sa content creator na si Ileiad, kahit nagmakaawa na itong iurong ang kaso.
Walang plano si Mon na iatras ang cyber libel complaint na isinampa niya sa National Bureau of Investigation (NBI) kay Ileiad o Jeff Jacinto sa tunay na buhay.
Si Jacinto ang vlogger na nag-post sa kanyang social media account ng fake news o ang tinatawag na “copypasta” story tungkol kay Mon na isa raw malaking kasinungalingan.
“Nagmamakaawa, nag-apologize. Pero ang mali niya, hindi niya tinangal agad ‘yung post. Hindi ‘yung drinag ‘yung name ko.
“Ang mali niya, dapat tinangal agad noong nag-message ako,” sabi ni Mon sa panayam ng ABS-CBN.
“Tuloy (ang kaso). Hindi ko alam saan pupunta ang kaso, it does not matter. Ang importante maging aware tayo lahat na hindi pwede gagawa basta ng kuwento. Ganoon lang ba ‘yun?
“Hindi lahat tayo nagsiraan. Sabihin joke lang! Kailangan natin itama. Dapat siguro masimulan. Ito na ‘yun,” aniya pa.
Hindi rin maramdaman ng premyadong character aktor ang sincerity ng paghingi ng tawad ng vlogger.
“Nag-apologize pero hindi sincere. Sinabihan mo pa ako ng ‘is this a threat?’ Hindi mo pa rin ito tinanggal hanggang kinabukasan ng gabi.
“Oo, nag-public apology ka kunwari later on pero sarcastic at hindi sincere. At wala ni katiting na pagsisisi at proud ka pa sa ginawa mo.
“At ginagawa niyo pa akong katatawanan ng mga follower mo. At ngayon ikaw na ang biktima at ako na ang masama,” ang post ni Mon sa kanyang Facebook account.
“As I’ve said in my post, wala akong kaaway, ni-isang nakaaway, issue. Never ako na-involve sa gulo o incidente. Biglang ganito, parang mali naman ‘yun. Sana maging lesson sa lahat ng content creator,” aniya pa.