ni ALMAR DANGUILAN
MAIGTING ang contract tracing na ginagawa ngayon ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa isang dermatology clinic at spa na sinasabing binisita ng naitalang bagong kaso ng Mpox sa Filipinas ngayong taon.
Ayon sa alkalde, ang natukoy na pasyente ay 33-anyos lalaki na nagtungo sa dalawang establisimiyento sa Quezon City.
Kabilang dito ang isang massage spa sa E. Rodriguez, Quezon City na binisita noong 11 Agosto at sa isang derma clinic noong 15 Agosto.
Napag-alaman ng QC Health Department, tumanggap ang pasyente ng ‘intimate service’ sa spa na kanyang pinuntahan.
Target din ng contact tracing ang 41 indibiduwal kabilang ang mga empleyado ng spa at ng derma clinic, pito sa kanila ay residente ng lungsod.
Naka-quarantine sa kani-kanilang tahanan ang mga itinuturing na close contact ng pasyente na magtatagal hanggang tatlong linggo.
Ipinasara ng LGU ang spa dahil sa kabiguang magpa-renew ng mayors permit at sanitary permit.
Hinikayat ng LGU ang publiko na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na pagamutan kung may nararamdamang sintomas ng Mpox.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na naipapasa ang Mpox sa pamamagitan ng close at intimate contact.