RATED R
ni Rommel Gonzales
ANG yumaong Master Showman na si German Moreno o Kuya Germs ang nakadiskubre sa male actor na si Kristof Garcia.
“Si Kuya Germs po pinahanap niya po ako, nakita po yata niya ako sa commercial ng Globe,” umpisang kuwento sa amin ni Kristof.
Sa Facebook siya nahanap na humantong sa pagkakasali niya sa last batch ng mga talent sa Walang Tulugan With The Master Showman.
“Mga three months bago siya mamatay, nakapasok ako,” sinabi pa ni Kristof.
Nakasama niya sa Walang Tulugan ang noo’y mga baguhan ding sina Sanya Lopez at Jak Roberto at papasikat na noon na si Ken Chan.
Ngayon ay mga big star na ng GMA ang tatlo; si Sanya ay napapanood sa Pulang Araw.
Masaya raw siya sa narating ng tatlo sa showbiz.
“Ano naman iyan eh, sabi nga ng BINI, ‘ang buhay ay ‘di karera’,” at natawa si Kristof.
“Parang siguro that is their ano, destiny talaga na maunang sumikat.
“Baka pagdating ng panahon maging Eddie Garcia na tayo. Siya ‘yung peg ko na parang mamamatay na ako sa showbiz, ganoon sana, ‘pag tumanda.”
Idolo rin ni Kristof sa pag-aartista sina Aga Muhlach at Christopher de Leon mula pa noong bata pa siya.
Ang manager ni Kristof ay si Juan Paolo Infante ng JPI Entertainment.
Bukod sa Walang Tulugan ay napanood din si Kristof sa Tadhana ni Marian Rivera; Dear Uge; Pamilya Roces; at Cain At Abel at marami pang iba.
Nakalabas na rin siya sa Kumusta Bro series ng Viva One, Love At The End Of The World sa Vivamax, at pelikulang Ampalaya Chronicles kasama si Ina Raymundo.
Gaganap na macho dancer si Kristof sa upcoming film na Wild Boys na ang direktor ay ang sexy actor-turned- director na si Carlos Morales.
Mula sa Bright Idea Production, nasa Wild Boys din bilang bida ang magkapatid na Vin at Aljur Abrenica, Rash Flores, Nico Locco ang komedyanteng si Inday Garutay, at ang male newbie na si Pedro Red.