SA SUNOD-SUNOD na anti-illegal drug operation na isinagawa ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 (PRO3), matagumpay na nabuwag ang ilang drug den sa Central Luzon, kung saan naaresto ang walong tulak kabilang ang isang dayuhan, at nakasamsam ng malaking bilang ng iligal na droga sa rehiyon. .
Nitong Agosto 16, bandang alas-11:20 ng gabi, ang pinagsamang operasyon sa pangunguna ng Subic Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng PDEA Zambales, PDEU, Zambales PIU, at Zambales 2nd PMFC, ay nagresulta sa pagkalansag sa isang drug den sa Barangay Calapacuan, Subic, Zambales.
Naaresto ng operating team ang limang indibiduwal, kabilang ang itinuturong lider ng grupo, na kinilalang si alyas”Negro,” 21 at residente ng nasabing barangay.
Kinilala ang iba pang naarestong suspek na sina alyas “Lon,” 38, alyas “Bernie,” 47, alyas “Juvie,” 42, at alyas “ Mon,” 31 at nasamsam sa kanilang posesyon ang 53 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na Php360,400.00.
Sa isa pang operasyon sa parehong araw, bandang alas-9:30 ng gabi ay nagkasa ng buy-bust operation ang joint operatives ng Rizal MPS-DEU, 303rd Maneuver RMFB3, at 2nd PMFC NEPPO, sa tulong ng PDEA sa isa pang drug den sa Barangay Poblacion Sur, Rizal, Nueva Ecija na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang indibiduwal.
Kinilalang ang mga naaresto na sina alyas “Putol,” 41 at alyas “Kulot,” 27 at nakumpiska sa kanila ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalagang Php 408,000.00 kasama ang Php 1,000.00 na marked money.
Samantala, dakong alas-3:00 ng madaling-araw ng Agosto 17, isang buy-bust operation ang isinagawa sa Angeles City, Pampanga ng mga operatiba ng Angeles City Drug Enforcement Unit (ACDEU) at PS2 sa isang drug den sa Barangay Pampang.
Ang operasyon ay humantong sa pagkakaaresto kay alyas “Kim” o “July Kim,” 43, na isang Korean national kung .
saan nakumpiska ng mga awtoridad ang 12 tableta na hinihinalang ecstasy na nagkakahalagang Php 20,400.00, at 0.5 gramo ng hinihinalang Ketamine na nagkakahalaga naman ng Php 2,500.00.
Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sec 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)