Nagawang mabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang makeshift drug den sa bayan ng Subic sa Zambales na nagresulta sa pagkakaaresto sa apat na indibidwal at pagkakumpiska ng nasa Php 61,200.00 halaga ng shabu kasunod ng ikinasang buy-bust operation sa Purok 1, Barangay Matain, noong Sabado, Agosto 17.
Kinilala ng PDEA Zambales Provincial Office ang mga nahuli na suspek na sina Jayson Minguito y Gaylan, 36, residente ng Salang St., Sitio Aplaya, Purok 1, Brgy. Matain, Subic, at Zambales na siyang drug den maintainer; Alvin Eclevia y Chang, 51, residente ng Brgy. Barretto, Olongapo City; Adrian Viray y Andong, lalaki, 29, residente ng Brgy. Ang Sta. Rita, Olongapo City; Reggie Español y Miranda, 39, na residente ng Brgy. Calapacuan, Subic, at Zambales.
Tinatayang siyam na gramo ng shabu na nagkakahalagang Php 61,200.00; samu’t saring paraphernalia sa pagsinghot; at cash money ang nakumpiska sa operasyon.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na elemento ng PDEA Zambales Provincial Office, PDEA Subic Interdiction Unit at Subic Police Station.
Nakakulong ngayon ang mga naarestong suspek sa PDEA RO III Jail Facility at mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)