SA LOOB NG TATLONG ARAW matapos ang malagim na pagpatay ng isang manager ng convenience store, naaresto ang pangunahing suspek kasunod ng masusing hot pursuit operation ng pulisya mula sa Nueva Ecija.
Sa ulat ni P/Colonel Richard V. Caballero, provincial director ng Nueva Ecija Provincial Police Office, kay PRO3 Officer-in-Charge PBGeneral Benjamin DL Sembrano, naganap ang insidente noong umaga ng 9 Agosto 2024, sa 7-Eleven convenience store sa Barangay Mabini Homesite, Cabanatuan City.
Ang biktima ng malagim na krimen ay kinilalang si Ryan De Goma y Talido, 26, store manager ng nabanggit na convenience store.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na naganap ang krimen dakong 10:00 am nang ang suspek, na hindi namukhaan at nakilala noong una, ay pumasok sa tindahan, ikinulong ang biktima sa loob ng stock room, at tinangay ang P320,984 cash.
Upang mapagtakpan ang ginawang krimen, sinira ng suspek ang mga computer device sa stock room sa pamamagitan ng pagsunog bago tumakas sa pamamagitan ng isang side access door.
Kalaunan ay natagpuan si De Goma sa stock room, na walang buhay dahil sa maraming malalalang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Noong Lunes, 12 Agosto 2024, bandang 2:00 pm, isang masusing pinagsama-samang operasyon ang humantong sa pagkakaaresto sa suspek sa Barangay Daang Bakal, Mandaluyong City.
Nagsanib-puwersa sa nasabing operasyon ang Cabanatuan City Police Station (lead unit), Provincial Intelligence Unit-NEPPO, at Pag-asa Sub Station 1 ng Mandaluyong City Police Station, EPD, at NCRPO.
Sa nasabing operasyon, natuklasan na ang 25-anyos na suspek, ay dating empleyado ng convenience store, na ginamit ang kanyang pamilyaridad sa mga operasyon ng tindahan at mga hakbang sa seguridad upang mapadali ang krimen.
Sa karagdagang pagsisiyasat ay nasiwalat na ang suspek ay naunang naaresto para sa drug trafficking noong 21 Disyembre 2021 at naiulat na nalulong sa online gambling hanggang mabaon sa malaking utang.
Pormal nang isinampa ang mga reklamong kriminal gaya ng Robbery with Homicide at Arson laban sa suspek, na nasa kustodiya ngayon ng Cabanatuan City Police Station. (MICKA BAUTISTA)