TANDA ng mahigit apat na siglo ng mayamang kasaysayan, pamanang kultural at pag-unlad sa mga nakalipas na panahon, nakatakdang ipagdiwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Ika-446 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan na nakasentro sa temang “Bulacan: Duyan ng Kasaysayan, Yaman ng Kinabukasan” sa pamamagitan ng commemorative program sa harap ng Gusali ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Antonio S. Bautista Bulacan Provincial Capitol Compound sa Lungsod ng Malolos, Bulacan bukas, araw ng Huwebes, Agosto 15, 2024, ika-8:00 ng umaga.
Pangungunahan ni Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang programa na may tatlong bahagi na dadaluhan ni Deputy Speaker Camille A. Villar ng Kapulungan ng mga Kinatawan, at espesyal na video message mula kay Unang Ginang Louise Araneta-Marcos.
Kaugnay ng paggunita sa makabuluhang araw na ito, ilulunsad din ang bagong logo ng ‘Bulacan at 450’ bilang hudyat nang pagsisimula ng apat na taong pagdiriwang ng pagkakatatag ng lalawigan, bilang isa sa mga highlight ng paggunita.
Pamumunuan rin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang paghahawi ng tabing ng panandang pangkasaysayan ng Asociación Filantrópica de los Damas de la Cruz Roja en Filipinas, organisasyon na itinatag noong 1899 ni Hilaria Del Rosario, maybahay ni dating Pangulong Emilio Aguinaldo, na pinag-ugatan ng kasalukuyang Philippine National Red Cross.
Ayon sa Section III ng New Provincial Administrative Code of 2007, ang Augosto 15, 1578 ay kinikilalang petsa ng pagkakatatag ng Lalawigan ng Bulacan, kasabay ng araw ng kapistahan ng Nuestra Señora de la Asuncion na siyang kinikilalang patron ng lalawigan. (MICKA BAUTISTA)