AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
SIMULA nang paigtingin ng Social Security System (SSS) ang kampanya laban sa mga delingkuwenteng employers, masasabing maraming manggagawa ang natutuwa at nabuhayan dahil nagkaoon sila ng kakampi o tunay na malalapitan.
Tinutukoy natin na kampanya ng SSS ay ang Run After Contribution Evaders (RACE). Nang buhayin o paigtingin ang RACE sa ilalim ng administrasyon ngayon ni President /Chief Executive Officer Orlando Ledesma Macasaet, maraming bilang na rin ng malalaking kompanya ang iansunto ng ahensiya makaraang mapatunayang hindi naghuhulog ng contributions ng kanilang mga manggagawa sa kabila na kinakaltasan nila tuwing suweldo.
Ilan sa mga sinalakay at sinampahan ng kaso ng SSS ay nahatulan ng guilty at saka pinagmumulta.
May mga kompanyang nakitang hindi lahat ng kanilang manggagawa ay kinakaltasan ng SSS o hindi inire-report sa SSS para makaiwas sa employer’s share.
Pero sa kabila ng ipinakita ng SSS na pagkasinsero sa gera laban sa mga delingkuwenteng malalaking kompanya, may mga kompanya — malalaki man o maliliit ang hindi natatakot sa RACE ng SSS.
Sige pa rin sila sa paglabag sa batas — binabalewala ang RACE ng SSS. Malakas na balewalain ang RACE dahil hindi naman (daw) nagrereklamo sa SSS ang kanilang mga kawani.
Takot kasi ang karamihan na magreklamo dahil sa takot na sisibakin sila sa trabaho.
At kung walang magreklamo, hindi kikilos ang SSS. Tama ba iyon na kapag walang magreklamo — wala rin aksiyon ang SSS?
President Macasaet, tama nga ba? No reklamo, no aksiyon ang ahensiya?
Mali yata. Hindi po ba p’wede kayong magsagawa ng surprise visit sa mga kompanya para buksan ang kanilang libro o tunungin nang aktuwal ang kanilang mga manggagawa/kawani kung sila ay kinakaltasan o hindi hinuhulugan?
Tinalakay natin ito dahil sa nakaaawang kalagayan ng ilang manggagawa sa ilang kompanya — resort at restaurant sa kilalang Surf Capital of the North — ang San Juan, La Union.
Sa tuwing nagpupunta tayo sa isang lugar, tulad ng San Juan, bilang bahagi ng trabaho ay itinatanong ko ang kalagayan ng mga manggagawa.
Kung sapat ba ang pasuweldo sa kanila ng employer nila — nasa minimum ba at kung sila ay kinakaltasan din ng SSS.
In fairness, may mga matinong kompanya naman — nasa minimum ang kanilang pasuweldo (kompleto rin ang kanilang benepisyo) at kinakaltasan sila ng SSS. Meaning reported sila sa SSS at nagbabayad ng employer’s share ang kompanya.
Pero natuklasan natin na mayroon din mga underpaid, no overtime pay, no holiday pay, at may mga hindi reported sa SSS (siyempre matik na hindi kinakaltasan ng contributions).
Dahil nakapokus muna tayo sa SSS, tayo ay nananawagan kay Pres. Macasaet na sana’y magpalabas ng direktiba sa SSS Region 1 na magsagawa ng surprised inspection sa mga resort, kainan, at maging sa transient house sa San Juan para mahuli sa akto ang mga delingkuwenteng employer.
Suhestiyon natin na magsagawa ng surprise visit dahil malaki ang takot ng mga manggagawa na maghain ng reklamo sa SSS Region 1. Natatakot na baka sibakin sila sa kani-kanilang trabaho.
Oo, napakaraming kainan, resort, at transient house sa lugar kaya maaaring sabihin ng SSS na mahihirapan sila kung iisa-isahin nila ang mga nasbaing business establishments.
Well, totoo iyan, pero hindi ba iyan din ang isa sa silbi o trabaho ng ahensiya?
Katunayan, pinayohan din natin ang mga dumaraing na magsampa ng reklamo sa SSS, iyon nga lang ay natatakot sila.
Kaya tayo sa nananawagan kay President and CEO Macasaet, tulungan natin ang mga kababayan natin…tutal rin lang naman ay inumpisahan at pinaigting na ninyo ang RACE, lubusin na ninyo ang kampanya.
Hanggang saan lang ba aabot ang RACE ng SSS… Bakit? Hindi ba ito nationwide?