ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
SI Hanna Ortega ay isang newbie sa pag-arte na kapipirma lang ng kontrata sa Viva. Ang dalaga ay graduate ng BS Psychology at co-manage ng prolific na filmmaker na si Direk Bobby Bonifacio Jr. na nagma-manage na rin ngayon ng mga talent.
Kailan siya nag-start sa pag-aartista?
Tugon ni Hanna, “Kaka-sign ko lang po with Viva actually, at wala pa akong gaanong experience sa acting. So, I’m looking forward na makapasok sa mga acting workshops.”
Paano siya na-discover para maging artista?
“Si Direk Bobby, nakasama ko siya sa isang project for a digital ad for Seiko wallet. So, siya ang naging director doon at isa ako sa talents.”
Ayon pa kay Hanna, hindi raw siya sasabak sa sexy projects.
“Hindi po ako nag-sign as Vivamax artist, bale Viva artist po ako.” nakangiting sambit niya.
Pero, puwede ba siyang gumawa rin sa Vivamax, basta hindi sexy?
“Yes po, basta hindi sexy, iyong wholesome po,” matipid na wika ni Hanna.
Ano ba para sa kanya ang ibig sabihin kapag wholesome?
“Game naman po ako kung may kissing scene, magsuot ng bikini, kung anoman po ang ibibigay na role or character sa akin, game naman po ako. Basta huwag lang po yung ano po talaga.”
Bata pa lang ba ay hilig na niyang mag-artista? “Hilig ko talaga, lahat ng arts… So dancing, singing, ganoon, kaunting acting.
“Pero ang acting experience ko kasi before is like kaunting theater lang and very musical type of acting po ito. May experience ako sa teatro, pero very light lang, sa school po iyon sa Dubai,” esplika pa ni Hanna.
Pagpapatuloy pa niya, “Lumaki po ako sa Dubai for nine years, kaya ano, well versed din ako sa ibang culture.”
Dating OFW daw ang parents niya, pero nang umuwi sila sa ‘Pinas, ang kanilang buong pamilya ay sama-sama na para rito na ulit manirahan.
Nabanggit sa amin ni Hanna na singer at dancer din siya.
Aniya, “Yes po, kumakanta at sumasayaw din po ako… before nang nagkaroon ng pandemic. Actually, ay choreographer din po ako. I choreographed cheer dance and hip-hop.”
Kung ang Viva ay bigyan siya ng chance na maging singer/recording artist, game ba siya?
“Sure, of course! Actually, isa rin iyan sa mga dream ko noong bata ako. Na makapag-record ako ng sarili kong songs, makapag-release ako ng sarili kong music. Na hindi lang mga covers, kasi siyempre roon ka naman magsisimula, eh.”
Ano ang expectations niya, ngayong nakapasok na siya sa mundo ng showbiz?
“Ahhh… go with the flow lang naman po ako, kung ano ang darating ay kukunin ko. Siyempre, tiwala naman po ako kay Direk Bobby.
“So, kung ano man ang maipapayo niya sa akin, kung ano ang tingin niyang para sa akin ay doon po ako.”
Dagdag pa ni Hanna, “Parang dito naman po kasi sa showbiz talaga iyong path ko, enjoy lang din naman po ako. So, kung ano lang ang ibigay po ni Lord.”