Saturday , December 21 2024

C6 sa San Mateo (Rizal) ginagawang extension ng Negosyo?

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

HINDI ba bago bigyan ng business permit ng lokal na pamahalaan ang isang establisimiyento, kanilang iniinspeksiyon muna ang lugar?

Sinusuri upang matiyak kung pasado ito sa  alituntunin o ordinansa ng lokal na pamahalaan partikular sa tanggapan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO).

Naniniwala tayo na isa sa requirements ay dapat na may sapat din na parking area ang establisimiyento para sa kanilang mga kustomer upang sa gayon ay hindi sila makaabala sa trapiko ng mga sasakyan maging sa pedestrian.

Tama ba tayo mga bossing natin diyan sa San Mateo BPLO? Malamang kung si San Mateo (Honorable) Mayor Bartolome “Omie” Rivera, Jr., ang tatanungin natin, tiyak na ang kanyang kasagutan dito ay dapat lang na mayroon ngang sapat na parking area ang isang establisimiyento para sa kanilang mga kustomer.

Pero paano kaya pumasa sa BPLO ang mga establisimiyento (mga kainan) sa C6 gayong wala silang sapat o parking area para sa kanilang customer? Hindi ko na kailangan banggitin ang pangalan ng mga kainan dahil naniniwala naman tayo na alam na ng BPLO ang atin mga tinutukoy dito.

Bukod dito, hindi na kasalanan ng mga establisimiyento ang kanilang pagkakaroon ng business permit sa kabila ng wala naman silang sapat na parking area at sa halip, ang BPLO pa rin ang dapat na tanungin kung paano ito pumasa lalo na kung nagsagawa naman sila ng inspeksiyon sa lugar bago aprobahan ang permit.

Ano pa man, nandiyan na iyan at hindi natin kinukuwestiyon ang business permit ng mga kainan sa lugar at pagnenegosyong marangal ng mga kababayan natin — lamang, ang nakaaasar dito ay naging extension na ng kanilang negosyo ang kalsada — ginagawang parking area ang unang linya ng highway.

Heto pa ang masaklap, iyong unang linya ay (may) bike lane, kaya paano makadaraan ang maraming  siklista dito… wait nakadaraan naman pero iniiwasan ang mga nakaparadang sasakyan (sa bike lane) ng mga parokyano ng kainan.

Kaya sa pag-iwas ng mga nakabisikleta, nalalagay sila sa peligro dahil maraming dumaraan dito na malalaking truck ng basura papuntang dumpsite.

May nakikita naman tayong nagpapatrolyang tow truck ng DPOS ng San Mateo sa lugar pero hindi naman nila hinahatak ang mga sasakyan na nakahambalang sa highway lalo sa harapan ng mga kainan. Marahil sinisita lang. 

               Heto pa, ginagawang extension ng ilang kainan ang sidewalk (pedestrian pathway) — naglalatag sila ng mga mesa lalo sa gabi para lamang mapagsilbihan ang kanilang mga kustomer para hindi lumayas.

Kadalasan sa oras na 4:00 pm hanggangg 11:00 pm, nakahambalang ang mga sasakyan ng mga customer…sa umaga naman hanggang hapon, meron din kaya lang hindi tulad kapag maggagabi na.

Lilinawin ko lang ha, hindi naman tayo tutol sa pagnenegosyo ng mga kababayan natin sa nasabing lugar… at lalong hindi ko rin sila sinisisi sa pagkakaroon ng business permit, pero Mayor Rivera – Bossing Omie, ano ba ang tamang kalakaran para sa pagnenegosyo sa San Mateo lalo sa mga walang sapat na parking area o wala talagang parking area?

Hindi ko naman hinihiling isara ang mga negosyong kainan sa lugar, pero sana lang naman ay sinabihan sila ng BPLO na maglaan ng sapat na parking area para sa kanilang mga parokyano upang hindi nagiging extension ng kanilang negosyo ang lasangan at hindi makasagabal sa trapiko.

Hindi pa man, tayo ay sumasaludo na kay Mayor Omie sa kanyang ‘AKSYON AGAD’ na itutugon sa panawagan. Salamat po Mayor.

About Almar Danguilan

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …