HARD TALK
ni Pilar Mateo
SA Indonesia, wala pala silang kawangki ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board).
Pawang pelikula ang nababantayan at nasusubaybayan ng mga sangay ng kanilang gobyerno sa pangangalaga sa mga pinanonood nila.
Kaya naman humingi ng audience with Chairwoman Lala Sotto ng MTRCB ang pamunuan ng LSF RI (Lembaga Sensor Film Republik Indonesia) para malaman kung paano ang ginagawang pagpapalakad ng nasabing sangay ng ating pamahalaan para palaganapin ang responsableng panonood sa bansa.
Kaagapay ang Department of Tourism, nag-ikot ang pamunuan ng LSF RI sa iba’t ibang lugar ng Kamaynilaan at bumisita na rin sa ilang TV networks para malaman ang takbo ng ating industriya.
Nagpalitan ng kuro-kuro sina Chair Lala at ang Chair ng LSF RI na si Mr. Romu Fibri Hardiyanto na kasama rin ang miyembro ng kanyang board (Joseph Samuel Krishna, Abu Chanifah, Sofyan Hadi, Mr. Nasrullah, Ms. Roswri Rosdy Putri). At idinaos ang bilateral discussion ng dalawang bansa.
Kaya ibinahagi ng grupo ang sinusunod na censorship sa kanilang bayan sa kanilang mga pelikula.
Nilalayon ng grupong LSF RI na makipag-collaborate and integrate sa MTRCB para mapalaganap din sa kanilang bansa, sa kanilang mga palabas sa telebisyon ang natutunan na nilang scope of authority ng MTRCB.
Inanyayahan din ng grupo ang MTRCB sa pangunguna ni Chair Lala na bumisita rin sa Jakarta, Indonesia para naman maibahagi nila, bukod sa kultura at sining ang isinasagawa rin nilang responsibilidad para sa paraan nila ng responsableng panonood doon.
Kasama ni Chair na humarap sa grupo ang kanyang Vice-Chairman na si Atty. Sonny Cases, Jr. at Board Members Eloisa Matias, Keats Musñgi, at COO Bob Diciembre sa masayang talakayan sa grupo.
Pinasyalan ng grupo ang iba’t ibang rooms ng ahensiya na nagsasagawa ng kanilang reviews ang ilang Board Members gaya ng bagong katatalaga na si Almira Muhlach, Bobby Andrews, JoAnn Bañaga, Richard Reynoso, Jan Marini.
Natutuwa si Chair Lala at kanyang Board dahil nakaka-proud nga naman na may mga taga-ibang bansang nababalitaan ang pamamaraan ng pangangalaga ng MTRCB sa responsableng panonood.
At hindi naman titigil ang MTRCB sa layunin nitong maging gabay lalo na sa mga kabataang nagki-KLIK ng kanilang remote control na mabantayan sa tamang paraan ng mga mas nakatatanda.