ISANG personalidad na nakatala bilang isa sa Most Wanted Persons sa Bicol region ang naaresto ng mga awtoridad sa Zambales, nitong Martes ng gabi (Hulyo 23).
Kinilala ni PRO3 Director PBGen Jose S. Hidalgo JR ang naarestong indibiduwal na si Mario Hamton y Furton, kilala rin bilang Mario Amton y Furton o “Ka Alvin,” na isa ring miyembro ng Celso Minguez Command ng New People’s Army (NPA) sa Sorsogon.
Si Hamton ay nasakote ng magkasanib na operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Zambales PPO, San Marcelino Municipal Police Station, Zambales 2nd Provincial Mobile Force Company (305th MC, RMFB 3), Provincial Intelligence Team Zambales, Regional Intelligence Unit 3 at iba pang concerned units sa isinagawang manhunt operation sa Barangay San Rafael, San Narciso, Zambales kung saan siya kasalukuyang nagtatago.
Ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Emerson G Carpio, Acting Presiding Judge ng Municipal Trial Court, Fourth Judicial Region, Magallanes, Sorsogon para sa crime of attempted homicide.
Ang naarestong pugante ay dinala sa San Marcelino MPS para sa kaukulang disposisyon at nakatakdang i-turn over sa Gubat MPS, Sorsogon PPO.
Ayon kay PBGen Hidalgo Jr. ang pag-aresto na ito ay kumakatawan sa isang makabuluhang hakbang sa kanilang mga pagsisikap na labanan ang insurhensya at mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Dagdag pa niya ang pagkaaresto kay Mario Hamton ay nagpapakita ng kanilang determinasyon na lansagin ang mga network ng nag-aalsa at protektahan ang mga komunidad at ang naturang operasyon, na suportado ng iba’t ibang mga yunit at hudikatura, ay nagpapakita ng kanilang pangako sa hustisya at seguridad. (MICKA BAUTISTA)