ARESTADO ng mga awtoridad ang anim na hinihinalang tulak ng ilegal na droga, tatlong pinaghahanap ng batas, pitong ilegal na manunugal, at no. 1 most wanted person (MWP) ng lungsod ng Baliwag sa mga isinagawang operasyon hanggang nitong Linggo ng umaga, 21 Hulyo.
Ayon sa mga ulat na isinumite kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng Bulacan PPO, nadakip ang anim na suspek sa pagtutulak ng droga sa ikinasang buybust operation ng Station Drug Enforcement Units (SDEUs) ng San Miguel, Pulilan, Sta. Maria, at San Ildefonso MPS.
Nakompiska sa operasyon ang kabuuang 22 plastic sachet ng hinihinalang shabu at buybust money na dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek upang isampa sa hukuman.
Samantala, nasukol ng tracker teams ng Pambong, Sta. Maria, at Bulakan MPS ang tatlong wanted sa magkahiwalay na manhunt operations kaugnay sa mga kasong qualified theft, paglabag sa Sec. 5 ng RA 9262, at paglabag sa BP 22.
Sa warrant of arrest na inisyu ng San Fernando, Pampanga RTC Branch 47, naaresto ng tracker team ng Baliwag MPS ang no. 1 most wanted person – city level na kinilalang si Mark Christian Pajares sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.
Samantala, nasakote ang pitong manunugal sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operations na ikinasa ng San Jose del Monte CPS at Calumpit MPS na huli sa akto ng paglalaro at pagtaya sa sugal na cara y cruz at mahjong.
Nasamsam sa nasabing operasyon ang mga ebidensiyang barya na ginamit na pangkara, isang set ng mahjong, at perang taya sa iba’t ibang denominasyon. (MICKA BAUTISTA)