DAHIL sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay kaagad naaresto ang isang lalaki na nanloob sa isang coffee shop sa City of San Jose del Monte (CSJDM), Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Relly B. Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, bandang alas-8:00 ng gabi, naganap ang panloloob sa isang coffee shop na matatagpuan sa Unit F, block 88, lot 54, Shover Commercial Building, University Heights, Brgy. Kaypian, CSJDM, Bulacan.
Pinasok ng suspek ang establisyimento na armado ng kalibre.38 revolver at matapos magdeklara ng hold-up ay sapilitang kinuha ang limang cellphone sa loob nito.
Matapos isagawa ang pagnanakaw ay tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo habang agad namang humingi ng tulong ang biktimang si “Marco”, 28, na may-ari ng coffee shop sa mga tauhan ng SJDM CPS-PCP 5.
Kaagad namang rumesponde ang mga operatiba ng naturang police station at tinugis ang suspek na nagresulta sa pagkakaresto nito.
Kinilala ang narestong suspek na si Jose Amurao Zaldivar, 37, na residente ng 503 Sta. Rita, Brgy. 188 Tala, North Caloocan City at narekober sa kanya ang mga ninakaw na cellphone gayundin ang baril na ginamit sa panloloob. (MICKA BAUTISTA)