NASUKOL ng mga awtoridad ang limang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na kinabibilangan ng apat na Chinese nationals sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Angeles at Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang mga dayuhang suspek na sina alyas Wu, 38 anyos; alyas Zheng, 29 anyos; alyas Chou, 33 anyos; at ang kasabuwat nilang babaeng si alyas Wang, 25 anyos, na nadakip sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Naaresto ang apat na dayuhang suspek ng mga tauhan ng Angeles CPO Station 1 at Bureau of Immigration (BI) sa ipinatupad na Mission Order No. 2024-151.
Nakompiska mula sa mga suspek ang tatlong gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P20,400; iba’t ibang hinihinalang party drugs; isang .38 kalibre ng baril na Colt, may kargang anim na bala; at isang kalibre .45 baril na Armscor, may kargang pitong bala.
Sa hiwalay na operasyon na ikinasa ng mga operatiba ng Cabanatuan CPS, nadakip ang suspek na kinilalang si alyas Al, 39 anyos, sa Brgy. H. Concepcion, sa lungsod.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa suspek na residente sa Jaen, ang 60 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P408,000.
Binigyang-diin ni P/BGen. Hidalgo na ang mga operasyong ito ay nagpapakita ng hindi natitinag na dedikasyon ng pulisya sa Central Luzon sa paglaban sa mga aktibidad ng ilegal na droga at pangangalaga sa kaligtasan ng publiko. (MICKA BAUTISTA)