ARESTADO ang pitong indibidwal na pinaghihinalaang pawang mga sangkot sa pagtutulak ng ilegal na droga, at dalawang sinabing mga magnanakaw sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Linggo ng madaling araw, 14 Hulyo 2024.
Sa mga ulat na ipinadala kay P/Col. Relly Arnedo, provincial director ng Bulacan PPO, nadakip ang limang pinaniniwalaang mga tulak sa ikinasang buybust operation ng Malolos at Meycauayan CPS, na nakasamsam ng kabuuang 23 plastic sachet ng hinihinalang shabu at buybust money.
Gayondin, nasakote sa isang Anti-Criminality Checkpoint Operation (Oplan-Sita) sa Brgy. Agnaya, sa bayan ng Plaridel, ang dalawang lalaking magkaangkas sa isang motorsiklo dahil sa paglabag sa Art. 151 ng Revised Penal Code (RPC); RA 4136; RA 010054; at RA 9165.
Nabatid, tinangka ng mga suspek, sakay ng itim na motorsiklong Suzuki Smash 115, na umiwas sa checkpoint sa pamamagitan ng pagpapabilis ng kanilang andar dahilan para mawalan sila ng kontrol at mahulog sa kalye.
Nakompiska ang 15 heat-sealed sachet ng hinihinalang marijuana, ang gamit nilang motorsiklo sa pagtutulak, isang bundle ng plastic sachets na walang laman, at P1,650 cash.
Samantala, naaresto ng tracker teams ng San Miguel at Marilao MPS ang dalawang wanted persons na may kasong pagnanakaw sa magkahiwalay na manhunt operations.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kanilang mga arresting unit/station ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. (MICKA BAUTISTA)